bro marianito

Katulad ni Levi nakahanda rin ba natin iwan ang komportableng buhay para sumunod kay Jesus? (Lucas 5:27-32)

333 Views

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin. Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat at sumunod at naglingkod kay Jesus”. (Lucas 5:27-28)

GAANO ba tayo kahanda para iwanan ang isang komportableng buhay para sumunod kay Jesus? Kaya ba natin isakripisyo ang ating “comfort zone” kapalit sa kaharian ng Diyos o ang pagyakap sa tinatawag na “religious life”.

Hindi naman nito hinihingi na pumasok tayo sa kumbento para maging isang Madre o Pari. Kundi, ang pamumuhay na naaayon sa kalooban ng Panginoon katulad ng pagdadasal, palagiang pagsisimba at higit sa lahat pagsunod sa Sampung Utos ng Diyos lalong lalo na ang pag-ibig sa ating kapwa.

Sa ating buhay dito sa ibabaw ng lupa kailangan natin mamili kung anong klaseng buhay ang gusto nating mangyari. We have to make a choice kung ano ang pipiliin natin, ang mamuhay ba sa tama o maling landas. Binigyan tayo ng utak at kalayaan ng Diyos para tayo na mismo ang guguhit ng ating sariling kapalaran.

Kaya maling-mali ang sinasabi ng iba na kaya sila nalulong sa illegal na droga ay dahil iyon daw ang kagustuhan ng Diyos para sa kanila. Kailan ba naman ginusto ng Panginoong Diyos na mapahamak ang kaniyang nilalang? Kaya sila nagka-ganyan ay dahil iyon ang pinili nilang buhay.

Sa Mabuting Balita (Lucas 5:27-32) mababasa natin kung papaanong iniwan ni Levi o Mateo (9:9-13) ang lahat kabilang na ang kaniyang kabuhayan para sumunod kay Jesus matapos siyang tawagin ng Panginoon habang siya’y nakaupo sa kaniyang puwesto bilang maniningil ng buwis.

Iniwan ni Levi ang isang komportableng buhay para lamang sumunod sa landas ni kapalit ang Kaharian ng Langit, kung tutuusin hindi naman siya magkaka-pera dito sa Kaharian ng Diyos kundi baka mag-abono o tutulak pa siya.

Ano ba ang mapapala ni Levi kung sumunod man siya kay Jesus? Madadagdagan ba nito ang kaniyang kinikita o kakabig ba siya ng malaki? Mas malaki ang kinikita niya sa paniningil ng buwis dahil sa sobra-sobrang patong na sinisingil niya sa mga kababayan niyang Judio.

Para kay Levi, ang Kaharian ng Diyos ay tinatawag na “long term” habang ang kayamanan naman sa mundo ay “short term” katulad ng malaking kinikita niya sa paniningil ng buwis. Sapagkat darating ang araw gaano man karami ang kaniyang naipon ay mauubos din ito. Higit sa lahat may utang pa siya.

Paano siya nagkautang at kanino siya may utang? Ang sagot diyan ay sa Diyos. Sapagkat ang pagpa-patong niya ng sobra-sobra sa paniningil niya ng buwis ay isang malaking kasalanan sa Panginoon ito ay isang “mortal sin”. Ang kasakiman sa salapi ay isang mabigat na kasalanan sa Diyos.

Kaya mas pinili ni Levi o Mateo ang tama sa pamamagitan ng pagsunod niya kay Jesus. Hindi na baleng hindi siya kumita basta’t ang mahalaga sa kaniya ay tahimik ang kaniyang buhay at maliligtas pa ang kaniyang kaluluwa. Anong silbi ng kaniyang kayamanan kung mapapahamak naman ang kaniyang kaluluwa.

Maaaring ang iniisip ni Levi kaya siya sumunod kay Jesus ay kung ano ang mangyayari sa kaniyang kaluluwa sakaling ipinagpatuloy niya ang kaniyang masamang ginagawa? Kaya mas pinahalagahan ni Levi ang future ng kaniyang kaluluwa kaysa sa kinabukasan ng kaniyang bulsa.

Kaya ba siyang iligtas ng kaniyang limpak-limpak na salapi kapag nakalista na ang kaniyang pangalan duon sa dagat-dagatang apoy? Kaya hindi nagkamali ng “choice” o pagpipili si Levi dahil tama ang kaniyang naging desisyon na talikuran ang kasalanan at mamuhay ng ayon sa kalooban ng Diyos.

Ang inaalok ng kasalanan ay puro masasarap at maginhawa, kung hindi ito masarap at maginhawa wala na sanang taong nagkakasala. Wala itong pinagkaiba sa mga masasarap ngunit makolesterol na mga pagkain katulad ng sisig, litchon baboy, crispiy pata, litchon kawali, pork liempo dinakdakan at iba pa.

Hindi maikakaila na ang mga pagkaing nabanggit ay talagang masarap subalit hindi rin natin maikakaila na ang lahat ng ito ay masama sa ating kalusugan at maaaring ikapahamak natin dahil ang tawag nila dito ay mga pagkaing “putok batok”. Puwedeng tumaas ang dugo mo o ma-stroke ka.

Ganito rin ang inaalok ng kasalanan puro masasarap katulad halimbawa ng pakiki-apid, pagpunta sa mga Massage Parlor o Sauna Bath, KTV Bar, pagsusugal, pagdo-droga, paglalasing, pagkahumaling sa online-sabong at iba pang mga bisyo na ang katuwiran ng iba ay nagre-relax lang sila.

Nakakalibang nga ang ilan sa mga bisyong ito subalit ang tanong naman ay saan kaya tayo maaaring dalhin ng paglilibang na ito? Ikabubuti ba natin o ikasasama ang ginawa nating paglilibang?

Ang pagkaing ma-kolesterol at ang paggawa ng kasalanan ay parehong makakasama sa atin.

Itinuturo sa atin ng Pagbasa na habang maaga pa ay piliin natin kung ano ang tama. Tayo ba’y mamumuhay sa masarap ngunit ikakapahamak naman natin o sa mahirap pero makakabuti naman sa ating buhay bilang isang Kristiyano o Katoliko. Maaari naman tayong mamuhay ng masarap gaya ng gusto natin ngunit tiyakin lamang natin na wala tayong inaagrabyado o sinasaktang tao.

Hinahamon tayo ngayon ng Ebanghelyo na tularan natin si Levi habang may pagkakataon pa. Sapagkat laging nasa huli ang pagsisisi.

AMEN