Calendar
Kawalan ng koordinasyon ng Senate Sgt.-at-Arms, NBI ‘ugat’ ng putukan
KAWALAN ng koordinasyon sa pagitan ng Office of the Senate Sergeant-at-Arms at National Bureau of Investigation (NBI) ang ugat ng pamamaril sa Senado noong Mayo 13, ayon kay Sen. Panfilo “Ping” Lacson.
Ayon kay Lacson, naiwasan sana ang pagpapaputok ng baril kung nagkaroon ng maayos na komunikasyon ang dalawang panig.
Walang nasaktan sa insidente, ngunit ang Senado, bilang institusyon, ang pinakamalaking napinsala, sabi ng senador.
“Thank God walang physical casualty o walang nasaktan. Ang pinakamalaking casualty rito ang Senado, ang institution,” dagdag niya.
Maaaring umabot pa sa Executive Department ang pinsala dahil sa mga lapse at miscommunication na may kaugnayan sa insidente, ayon pa kay Lacson.
Ayon kay Lacson, sapat sana ang malinaw na komunikasyon sa pagitan ng OSAA at NBI upang maiwasan ang komprontasyon.
Personal na nakipag-ugnayan si Lacson kay NBI Director Melvin Matibag bago siya umalis ng Senado matapos makarinig ng mga ulat, kabilang mula kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na maaaring magsagawa ng operasyon ang NBI para magsilbi ng warrant laban sa kanya.
Ayon kay Lacson, naging mas mahalaga ang usapin matapos lumabas ang mga ulat na hindi naglabas ang Supreme Court ng temporary restraining order o status quo ante order, na maaaring magbigay ng pananaw na puwede nang magsilbi ng warrant ang law enforcement authorities.
Ayon kay Lacson, sinabi sa kanya ni Matibag na wala pang instruction, bagaman handa ang NBI kung may utos mula sa mas mataas na awtoridad.
“Ang instruction na binigay niya sa kanyang mga tauhan: walang hulihan sa premises ng Senado,” sabi ni Lacson.
Sinabi niya na umalis siya sa Senado matapos ang assurance na iyon at pinauwi ang kanyang staff dahil nagsisimula nang mag-lockdown ang Senado.
Ayon kay Lacson, kinumpirma ni Matibag na may advance team ang NBI sa GSIS side ng complex.
Sinabi rin niya na kalaunan ay ipinadala sa kanya ni Matibag ang kopya ng liham ni GSIS President and General Manager Jose Arnulfo “Wick” Veloso na humihiling ng NBI deployment sa GSIS side ng gusali.
Ipinagtanggol din ni Lacson ang minority senators na umalis ng Senado bago ang putukan, at sinabing wala silang advance knowledge na magkakaroon ng gulo.
Ayon sa kanya, unang ipinaalam sa mga senador na magpapatawag si Senate President Alan Peter Cayetano ng all-senators caucus, ngunit kalaunan ay nilimitahan ang pulong sa majority.
Itinanggi ni Lacson ang mga paratang na umalis nang maaga ang minority senators dahil alam nilang may mangyayari.
“Malayo sa katotohanan ang pahayag na iyon, at napaka-unfair at napaka-malicious. Wala naman nakakalam na magkakaroon ng gulo,” dagdag niya.
Nang tanungin tungkol sa security protocol sa posibleng arrest o intrusion situation, sinabi ni Lacson na dapat munang palabasin ang mga senador at empleyado bago mag-lockdown, ngunit kailangang inspeksyunin ang mga lumalabas.
“Dapat bago i-lockdown, palabasin na muna pero inspeksyunin ang mga lumalabas,” ani Lacson.
Ipinaliwanag niya na ang lockdown ay pumipigil sa pagpasok at paglabas, ngunit kung ang agam-agam ay posibleng intrusion, dapat munang palabasin ang mga tao habang nananatili sa loob ang authorized security personnel.
Sinabi ni Lacson na dapat pagtuunan ngayon ng Senado ang pagbawi sa tiwala ng publiko sa institusyon.
“Moving forward bilang isang senador, ang focus siguro namin ngayon ay ma-redeem ang Senado sa lalagyan namin ngayon,” ani Lacson.

