bro marianito

Ke Hesus lamang matatagpuan ang tunay na kaligayahan

254 Views

HesusAng ating mga bisyo na inakala natin na kapaki-pakinabang ay isa lamang palang malaking kalugihan sa ating buhay (Filipos 3:7-8)

NGUNIT dahil kay Cristo ang mga bagay na maaari kong ibilang na pakinabang ay inari kong kalugihan. Oo, inari kong kalugihan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga. Ang pagkakilala sa kay HesuKristo na aking Panginoon”. (Filipos 3:7-8)

Sa ating buhay, ang mga bagay na ipinagkakaloob ng mundong ito, katulad ng pagsusugal, pagdo-droga, paglalasing at iba pang uri ng kalayawan at masasamang bisyo ay itinuturing natin minsan na malaking pakinabang para sa atin.

Sapagkat ang mga bagay na ito ang nagbibigay sa atin ng kaligayahan at kaginhawahan para pansamantala nating makalimutan ang ating mga problema.

Subalit ang malaking katanungan lamang dito. Saan ba tayo dinala ng ating labis na pagkahumaling sa mga masasamang bisyong ito? Ano ba ang ginawa ng mga bagay na ito sa ating buhay?

Ang tukso katulad ng mga bisyo ay mistulang “bulok na mansanas” na napakaganda at kaaya-aya ang itsura sa labas. Ngunit ang loob pala nito’y hitik ng uod. Wala naman temptasyon o tukso ang mag-aanyong pangit. Paano pa mae-engganyo ang tao sa tukso kung pangit ang itsura nito.

Malinaw na sinasabi sa Unang Sulat ni San Juan na “Ang umiibig sa Sanlibutan ay hindi umiibig sa Diyos Ama”. Kaya pinapayuhan tayo ng Pagbasa na huwag nating ibigin ang Sanlibutan o ang mga bagay na nasa Sanlibutan. (1 Juan 2:15-17)

Nabasa natin sa Talata (Filipos 3:7-8) na itinuturing na isang malaking kalugihan ang mga bagay na inaari natin na isang malaking pakinabang. Malaki siyang pakinabang para sa atin.

Dahil sa mga bagay na ito gaya ng droga, pagsusugal at paglalasing pansamantala tayong nakatakas sa ating mga problema. Nakalimutan natin ang maingay na mundo at nilalasing tayo ng hungkag na kaligayahan na hindi maglalaon ay babalik parin tayo sa ating normal at masalimuot na pamumuhay.

Minsan dumating tayo sa puntong napagtanto pala natin na ang mga bisyong ito na masyado nating kinahumalingan sa buong buhay natin. Ang unti-unti pa lang nagbabaon sa atin sa kasalanan at tuluyang pagkawalay sa tunay na kapakinabangan at kalihayahan. Ito ay ang ating relasyon sa Panginoong Diyos.

Dumating ang sandali sa ating buhay na ang mga mahabang panahong ginugol natin sa mga masasamang bisyong ito ay wala rin palang naging pakinabang sa atin bilang isang tao at Kristiyano.

Ang mga bagay na ito na pinaglaanan natin ng ating buong oras at panahon ang siyang magpapahamak lamang pala sa atin.

Noong una, hindi pa mulat sa katotohanan ang ating mga isip. Sapagkat noong mga panahong iyon, tayo ay bulag sa tunay na itsura ng kasalanan. Ang tingin kasi natin sa kasalanan ay isang solusyon sa ating mga problema.

Ngunit mula ng matagpuan natin sa ating buhay ang Panginoong HesuKristo, dito natin napagnilay-nilayan na wala palang pakinabang ang mga bagay na ginawa natin sa ating buhay at inaakalang magbibigay sa atin ng walang katapusang kalihayahan.

Tanging kay Hesus lamang natin matatagpuan ang tunay na kaligayahan. Dahil si Kristo narin nagsabi na siya ang Daan, ang Katotohanan at ang buhay. Walang makakapunta sa Ama kundi sa pamamagitan niya. (Juan 14:6)

Walang maaaring humigit pa sa tunay na kaligayahang maibibigay ng ating pagtitiwala at pananampalataya sa Panginoong Hesus. Ito ang tunay na kaligayahang nagbibigay sa atin ng totoong kapakinabangan. (Filipos 3:8)

Kung uumpisahan nating tumalikod sa ating mga kasalanan, magsisi at tanggapin si Hesus bilang Diyos at Tagapagligtas. Matatanggap natin ang kaniyang kapatawaran kung magtitiwala lamang tayo sa kaniya.

Kapag nagawa natin iyan, tuluyan tayong makakalaya sa anino ng ating masamang nakaraan dahil tinatanggap natin sa ating buhay ang isang panibagong buhay na may pag-asa sa piling ng ating Panginoong HesuKristo.

Manalangin Tayo:

Panginoon Hesus. Humihingi po kami ng kapatawaran para sa lahat ng aming mga kasalanan. Mula ngayon, ikaw ay tinatanggap na namin sa aming buhay bilang Diyos at Tagapagligtas.

AMEN