Calendar

Kelot binurdahan ng tropa ng bala, bulagta
DEAD on the spot ang isang 22-anyos na lalaki matapos umanong pagbabarilin ng kaniyang mga katropa sa Quezon City nitong Martes ng hapon.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU- QCPD), bandang 2:51 ng hapon nitong Martes (June 17), nang maganap ang pamamaril sa harap ng bahay ng biktima sa Pinagkaisa St., Barangay Commonwealth, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ni P/MSg Rainier Robert Abundo, nasa loob ng bahay ang biktima kasama ang isang kaibigan nang marinig nilang may sumisigaw ng kaniyang pangalan.
Dumungaw ang biktima upang alamin kung sino ang tumatawag sa kaniya at doon ay nakita niya ang suspek na may kasamang mga katropa nito.
Nang makita ang biktima ay sabay-sabay na bumunot ng baril ang suspek at ang mga ka-tropa nito at pinaputukan ang biktima habang tumakas ang kasama niyang kaibigan na si Mark Anthony na dumaan sa bintana patungo sa isa pang kalapit na bubong.
Ayon sa mga saksi, nagtangka ding tumakas ang biktima subalit hinabol siya ng dalawang suspek at nang maabutan ay agad itong pinagbabaril na nagresulta ng agaran nitong pagkasawi.
Dumating ang SOCO Team mula sa QCPD Forensic Unit sa pangunguna ni P/Maj Michael Jabel at sa pagsusuri nagtamo ng ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima.
Narekober sa pinangyarihan ang anim na fired cartridge casing ng kalibre .45, isang fired bullet, isang heat sealed at transparent plastic sachet na parehong naglalaman ng white crystalline substance na hinihinalang “shabu”.
Hinala ng pulisya na posibleng onsehan sa droga ang nangyaring pamamaril, gayunman patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon.