Suspek

Kelot lagot sa pagnenok ng cellphone

Edd Reyes Jun 7, 2025
322 Views

TIKLO ang 43-anyos na lalaki na pinaghihinalaang nagnenok ng cellular phone ng babaeng may-ari ng flower shop noong Sabado sa Malabon City.

Nagkunwaring bibili ng bulaklak ang suspek na si alyas Rolly ng pumasok sa Badilla’s Flower Store sa Gen. Luna St., Brgy. Concepcion dakong alas-3:20 ng madaling araw.

Nagtaka ang may-ari ng tindahan na si alyas Jenny, 39, nang bigla na lang umalis ang suspek at doon na niya natuklasan na wala na ang kanyang cellular phone na nagkakahalaga ng P7,000.

Nadakip ang suspek dakong alas 5:35 ng umaga at nabawi sa kanya ang tinangay na mobile phone ng biktima.

Iprinisinta ng mga tauhan ni Col. Jay Baybayan, hepe ng pulisya, sa Malabon City Prosecutor’s Office ang suspek para sa inquest proceedings kaugnay sa isasampang kasong theft laban sa kanya.