Baril

Kelot na armado ng paltik, arestado nang magwala at maghamon ng away

Edd Reyes Jan 29, 2025
45 Views

PINOSASAN ang 41-anyos na kelot nang palagan pati ang mga nagrespondeng pulis na nagresponde sa ginagawa niyang pagwawala at paghahamon ng away sa Paranaque City.

Mga kasong paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, paglabag sa Omnibus Election Code, at Alarm and Scandals ang isinampa ng pulisya laban kay alyas “Bryan”, 41, matapos isadlak sa rehas na bakal bunga ng mga paglabag sa batas.

Ayon kay Southern Police District (SPD) District Director P/BGen. Manuel Abrugena, nirespondehan kaagad ng mga tauhan ng Don Bosco Police Sub-Station ang natanggap na tawag alas-11:20 ng umaga hinggil sa ginagawang pagwawala ng lalaking armado ng baril sa Barangay Moonwalk.

Inabutan pa ng mga pulis si alyas Bryan habang patuloy na naghahamon ng away at nang kanilang komprontahin, pumalag pa kaya’t kaagad pinosasan hanggang matuklasan ang dala niyang kalibre .45 paltik na kargado ng isang bala.

Ayon kay BGen. Abrugena, mahalaga ang tulong ng barangay at mamamayan sa pag-uulat at pagpaparating sa kaalaman ng pulisya ng mga kahalintulad na isidente upang matiyak na mapapanatili ang kaligtasan at kaayusan ng bawa’t komunidad.