Calendar
Kelot nagtangkang looban banko arestado


KAMPO HENERAL MALVAR, Lungsod ng Batangas — Sa kulungan bumagsak noong Lunes ang isang 30-taong-gulang na lalaki matapos subukang looban ang sangay ng bangko sa Barangay Poblacion C Rosario, Batangas.
Ayon kay Batangas Police director PCol. Oliver B. Ebora, naganap ang insidente bandang alas-5:15 ng hapon nang makatanggap ng tip ang mga pulis ukol sa nasabing insidente.
Ang suspek na nakilalang si alyas na Jomar, walang trabaho, ay pinipilit umanong buksan ang salaming pinto ng Philippine National Bank (PNB).
Agad na sumugod ang mga awtoridad at pinaligiran ang lugar,
Nadatnan nilang asira na ang kandado at nakapasok na sa loob ng bangko si alyas Jomar na mabilis nilang dinakma.
Nakuha mula sa suspek ang isang kalibre .45 na pistola, magasin at limang bala para sa kalibre .45.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong attempted robbery at paglabag sa Republic Act No. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act).

