Ariola File photo nina Col. Benjamin Ariola, Zambales police director, at Col. Marites Salvadora, at People’s Journal Tonight correspondent Christian Supnad.

Kelot nakitang bangkay matapos makipag-inuman, 2 arestado

Christian Supnad Oct 19, 2026
21 Views

SAN MARCELINO, Zambales — Iniulat nitong Lunes ng pulis na naaresto na ang dalawang suspek na itinuturong sumaksak at pumatay sa lalaki na natagpuang bangkay sa San Marcelino, Zambales.

Ayon sa ulat, may concerned citizen na tumawag kay PMaj. Exodus Rodriguez, hepe ng San Marcelino MPS, gabi ng Oktubre 16, 2026, at ini-report na may natagpuan siyang bangkay ng lalaki na may saksak sa leeg sa Purok 4, Brgy. Lucero, San Marcelino.

Agad inatasan ni Col. Benjamin Ariola, Provincial Director, ng direktiba ang mga kapulisan ng San Marcelino MPS, Provincial Intelligence Unit, at Provincial Investigation and Detective Management Unit, na imbestigahan ang insidente.

Ayon sa nakalap na impormasyon, nakipag-inuman umano ang biktima sa apat na kalalakihan.

Pagkatapos umano ng kanilang pagsasaya ay nagpaalam ang dalawang suspek na ihatid ang biktima pauwi habang naiwan naman ang dalawa pa nilang kasamahan.

Nang makarating umano sa lugar na pinangyarihan ng krimen, nagkaroon umano ng pagtatalo sa pagitan ng mga suspek at ng biktima, at doon na nasaksak umano ang biktima.

Nagkaroon ng masusing imbestigasyon at pag-backtrack ng mga CCTV footage, dakong gabi ng Oktubre 17, 2026. Natukoy ng mga pulis ang lokasyon ng dalawang suspek at naaresto ang mga ito, ani Col. Ariola.

Narekober mula sa isa sa mga suspek ang cellphone ng biktima. Napag-alaman din na ang isa sa kanila ay miyembro ng grupong “True Brown Style.”

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng San Marcelino MPS ang dalawang suspek na mahaharap sa kasong murder. Nakikipag-ugnayan na rin ang mga pulis sa dalawa pa nilang kasamahan para tumayong testigo sa kaso.

“Nakikiramay po ang buong kapulisan ng Zambales sa pamilya ng ating biktima. Makakaasa po kayo na kami ay aalalay sa inyo para makamit ninyo ang hustisya. Sinisiguro rin po namin sa ating mga kababayan na ang lahat ng kriminal ay mananagot sa batas, lalong-lalo na po ang mga gumagawa ng karumal-dumal na krimeng tulad nito,” dagdag pa ni Col. Ariola.