Cellphone

Kelot ‘papatay’ dahil sa cellphone

Edd Reyes May 1, 2026
24 Views

TIMBOG ang isang lalaki ng tutukan ng baril at binantaang papatayin ang ka-lugar niya dahil sa nawawalang cellular phone noong Biyernes sa Valenzuela City.

Rumesponde ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz at nadakip si alyas Ludwig at nakumpiska sa kanya ang hindi lisensiyadong cal .38 revolver na may apat na bala.

Batay sa ulat, kinompronta ng suspek ang biktima nang puntahan sa Brgy. Bignay at tanungin hinggil sa nawawala niyang mobile phone.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa hanggang bumunot ng baril at suspek at tutukan ang biktima na kaagad nagtatakbo para humingi ng tulong sa pulisya.

Nahaharap sa mga kasong grave threat at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) si alyas Ludwig sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.