Sinilaban

Kelot pinagselosan, sinilaban, kritikal

Edd Reyes Jun 23, 2025
44 Views

NASA kritikal na kondisyon sa Ospital ng Makati ang lalaking binuhusan ng gasolina at sinilaban ng nakatakas na suspek na nagselos noong Biyernes sa Barangay Pitogo, Taguig City.

Third degree burns ang tinamo ng biktimang si alyas James mula ulo hanggang katawan, habang nagtamo rin ng paso sa paa ang kapitbahay niyang si alyas Giselle, 38-anyos, na noo’y naglalaba sa tapat ng bahay ng lalaki.

Ang tumakas na suspek na si alyas Gregorio, 43-anyos at machine operator, ay bahagya ring inabot ng apoy nang silaban niya ang biktima, ayon kay Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Randy Arceo.

Batay sa ulat, nakaupo si alyas James nang sumulpot ang suspek na may bitbit na supot na plastic na may lamang gasolina dakong alas-10:22 ng gabi at ibinuhos ito sa binata bago sinilaban.

Natuklasan ng pulisya na ilang ulit ng pinagbantaan ng suspek ang binata at inabangan pa sa trabaho dahil sa hinalang may relasyon ang lalaki sa kanyang asawa, subalit kalaunan ay humingi naman ng tawad nang magkaharap sila sa barangay.