Calendar

Kelot sa kulungan inaresto uli sa panghahalay
LALONG nadiin sa kasong rape ang isang preso dahil nabuking na may halos kapareho siyang kaso kaya panibagong warrant of arrest ang isinilbi ng mga pulis sa kanya noong Huwebes sa Caloocan City Jail.
Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Josefino Ligan, nadakip si alyas Jack, 38, bunga ng mga kasong panghahalay sa menor-de-edad na batang babae, paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at paglabag sa RA 9262 o Anti Violence Against Women and Their Children Act at nililitis na sa hukuman.
Habang nakapiit, natuklasan ni P/Col. Renente Pinuela, Force Commander ng Intelligence Section ng District Mobile Force Battalion (DMFB) na may isa pang warrant of arrest ang suspek para naman sa mga kasong sexual assault, dalawang bilang ng rape sa menor-de-edad na batang babae at lascivious conduct.
Dakong alas-6:00 ng gabi nang magtungo sa Caloocan City Jail ang mga tauhan ng DMFB upang isilbi ang bagong arrest warrant laban sa akusado, ayon sa NPD director.
Walang piyansang inirekomenda ang hukuman sa mga kasong rape laban sa akusado habang P180,000 na piyansa ang inilaan sa kanyang kasong lascivious conduct.