Kulong

Kelot tiklo sa pagpapaputok ng boga

Edd Reyes Feb 20, 2026
251 Views

TIMBOG ang 48-anyos na lalaki dahil sa pagpapaputok ng baril ng dalawang beses nang hindi abutan sa inuman ang kanyang kaaway noong Huwebes sa Muntinlupa City.

Nakuha ng mga tauhan ni Muntinlupa police chief P/Col. Robert Domingo kay alyas Ranny ang paltik na .9mm pistol na kargado ng limang bala nang madakip dakong alas-10:45 ng gabi sa Phase 2 Biazon Road, Muntinlupa City.

Ayon sa ulat, nakikipag-inuman sa kanyang mga kaibigan si alyas Gene, 59, kasama si alyas Badong ng dumating ang suspek na may baril dakong alas-10:00 ng gabi.

Tinutukan ng suspek si alyas Gene at hinanap si alyas Badong subalit nang hindi abutan, dalawang ulit na nagpaputok ang suspek kaya nagpulasan ang mga nag-iinuman para humingi ng tulong sa pulis.

Kasong grave threat at paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang isasampa ng mga pulis laban sa suspek na nakapiit ngayon sa Muntinlupa police station.