Kulong

Kelot timbog sa 30 pagong

Edd Reyes Oct 12, 2023
547 Views

SWAK sa selda ang isang lalaki na sangkot sa ilegal na pagbebenta ng mga wild na hayop matapos kumagat sa entrapment ng mga pulis noong Miyerkules sa Pasay City.

Nahuli si Michael Jhun Cortez, 25, ng 209 Road 4, Pilders 2, Brgy. 193 ng mga tauhan ng Northern Maritime Police Station (MARPSTA) ng National Capital Region (NCR) matapos tanggapin ang P15,000 markadong salapi kapalit ng 30 red ear turtles.

Sa ulat ni P/SMS Manny Vidal, isinagawa ang entrapment dakong alas-1:11 ng hapon sa Sogo Hotel sa 320 Int. EDSA, Rotunda, Brgy. 146 pagkatapos ng online transaction sa mga pulis kaugnay sa pagbili ng mga pagong.

Ipinagbabawal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pag-angkat ng naturang pagong para hindi na dumami pa ang lahi nito na may dala umanong panganib sa mga mga katutubong hayop at nagdadala rin ng sakit sa tao at hayop.

Nakuha ng mga pulis sa suspek ang 30 red ear turtle, 15 pirasong P1,000 boodle money at Samsung S8 android phone.

Sinabi ni Sgt. Vidal na sasampahan ng kasong paglabag sa Sec. 27 o Trading of Wildlife and Possession of Wildlife Species ang suspek.