Calendar
![Pilipinas](https://peoplestaliba.com/wp-content/uploads/2025/02/Pilipinas.jpg)
Kick-off campaign rally ng mga admin Senatorial bets umarangkada sa balwarte ni PBBM
LAOAG CITY – OPISYAL nang umarangkada kahapon (Pebrero 11) ang “kick-off campaign rally” ng labing-dalawang kandidato ng administrasyon para sa pagka-Senador sa ilalim ng Alyansa ng Bagong Pilipinas (APBP) na idinaos sa sariling balwarte ng pamilya Marcos kung saan si President Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang naging panauhing pandangal ng naturang napakalaking pagtitipon.
Ang unang sultada ng campaign rally ng mga Senatorial bets ng administrasyon para sa May mid-term elections ay inilunsad sa Ilocos Norte na kilalang teritoryo ng pamilya Marcos ay dinaluhan ng tinatayang mahigit sa siyam na libong Ilocano o mga mamamayan ng buong Ilocos Region para magbigay ng kanilang suporta para sa 12 kandidato.
Bukod sa pagiging panauhing pandangal. Pinangunahan din ni Pangulong Marcos, Jr. ang pag-arangkada o campaign kick-off ng labing-dalawang Senador kasunod ang kaniyang pagkiusap sa kaniyang mga kababayan o kapwa Ilocano na suportahan o iboto ang lahat ng mga kandidato ng APBP kabilang na ang mga local candidates na nasa ilalim ng ticket ng administrasyon.
Ginanap ang campaign rally sa Ilocos Norte Centennial Arena sa Laoag City. Kung saan, kasama rin sa mga dumalo ang mga lokal na ehekutibo at mga supporters upang ipakilala sa publiko at i-endorso ang kandidatura ng labing-dalawang Senador na itinuturing na powerhouse line up dahil sa malawak na karanasang taglay ng lahat ng mga kandidato sa larangan ng public service at paglilingkod sa pamahalaan.
Pinangunahan naman ni Navotas City Lone Dist. Rep. Toby Tiangco ang pambungad na kampanya ng mga pambato ng administrasyon na para sa kaniya ay binubuo ng mga subok na lider ng bansa.
Pagdidiin ni Tiangco na ang bawat kandidato ng APBP ay may subok na track record at nakahanda aniyang ipagpatuloy ang mga economic at legislative agenda ni Pangulong Marcos, Jr.
“Ngayon po ang unang araw ng kampanyahan at makikita ninyo na hindi lang tayo basta-basta nagbuo ng isang Senatorial slate. Tayo po ay nagbuo ng isang Alyansa Para sa Bagong Pilipinas,” paliwanag ni Tiangco sa ginanap na press-conference.
Ang labing-dalawang kandidato ng administrasyon ay binubuo nina dating DILG Sec. Benhur Abalos, Makati City Mayor Abby Binay, Senators Pia “Compañera” Cayetano, Imee Marcos, Lito Lapid, Ramon “Bong” Revilla, Jr., Francis “Tol” Tolentino, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, ang Pambansang Kamao na si dating Sen. Manny “Pacman” Pacquiao, dating Sen. Panfilo “Ping” Lacson, House Deputy Speaker – Las Piñas Rep. Camille Villar at ACT-CIS Party List Rep. Erwin Tulfo.
Ipinabatid pa ni Tiangco na nakahandang ipakita ng APBP na isa itong Senatorial ticket na handang kumilos para sa pagbangon ng ekonomiya, pagkontrol sa inflation, paglikha ng mga trabaho at pagiging epektibong lider ng gobyerno.