Iloilo 1st District Rep. Janette Garin Iloilo 1st District Rep. Janette Garin

Kinalaman ng middlemen sa presyo ng bigas titingnan

60 Views

PINAKIKILOS na ng House quinta committee, na kilala rin bilang Murang Pagkain Super Committee, ang National Bureau of Investigation (NBI) para imbestigahan ang umano’y sabwatan ng mga “middleman” na nagpapataas ng presyo ng bigas, dahilan ng pagdurusa ng mga konsyumer at magsasaka.

Sa mosyon na inihain ni House Deputy Majority Leader at Iloilo 1st District Rep. Janette Garin, pinatututok ang NBI sa mga indibidwal at organisasyong sangkot sa overpricing sa supply chain ng bigas.
“Mr. Chair, will this august body allow me to put forward a motion to direct the [NBI] to investigate [both ways]—from the retailers to the middleman to the wholesalers, or wholesalers papunta rito sa mga middleman papunta sa mga retailers—so we can specifically identify the responsible people in terms of price manipulation. I so move, Mr. Chair,” ani Garin.
Inaprubahan ang mosyon matapos itong i-second ni Cavite 2nd District Rep. Lani Mercado-Revilla.
“Are there any objections? The same is approved,” wika ni Albay 2nd District Rep. Joey Salceda, ang chairman ng joint panel.
Sa presentasyon ng Philippine Competition Commission (PCC), ibinunyag ang kahinaan sa sistema ng rice supply chain, partikular na sa kontrol ng mga middleman at vertically integrated entities.

Sa interpelasyon, tinanong ni Garin si Agriculture Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. kung aling ahensya ang dapat nagbabantay sa mga middleman.
“Kaninong ahensya ang pag-police ng mga middleman na iyon?” tanong ni Garin.

“In my opinion, Mr. Chair, wala,” pag-amin ni Laurel, na naglantad ng kakulangan sa regulasyon laban sa manipulasyon ng presyo.

Dagdag ni Garin, naging mas lantad ang problema matapos maipasa ang Rice Tariffication Law noong 2019, na nag-alis sa kapangyarihan ng National Food Authority (NFA) na magbenta ng bigas para ma-stabilize ang presyo.

“Kapag nagkakaroon ng sabwatan sa baba, pumapasok ang gobyerno para magbenta at ibaba ang presyo. Pero ngayon, natanggalan na ng power ang NFA,” paliwanag niya.

Kahit binabaan ang taripa mula 35 porsiyento hanggang 15 porsiyento upang gawing abot-kaya ang bigas, nananatili ang presyo sa P55 hanggang P60 kada kilo.

Ayon sa datos, mahigit P13.3 bilyon na ang nawala sa gobyerno dahil sa tapyas sa taripa—halagang hinihinalang napunta lang sa bulsa ng importers at traders imbes na sa mga mamimili.

Pinuna rin ni Garin ang modus ng ilang middleman na kinokontrol ang access sa mga lehitimong wholesaler, dahilan para tumaas pa lalo ang presyo.

“Ang retailer, tila hindi nabibigyan ng direct na linya papunta sa totoong wholesaler kasi kontrolado ito ng mga middleman,” aniya.

Ipinaalala ni Garin ang matagumpay na pagsisiyasat ng NBI sa manipulasyon ng presyo ng sibuyas bilang modelo para sa rice probe.

“Noong inisa-isa ko na, nakita natin ang mga nagtatago… nakita natin ang mga kumikita nang sobra-sobra. Ganitong approach din ang kailangan natin para sa bigas,” giit niya.

Sa direktiba, inatasan ang NBI na alamin ang galaw ng presyo mula retailer hanggang importer at Customs, para malaman kung may profiteering o economic sabotage.

Itinatag ang quinta comm sa ilalim ng House Resolution No. 254 ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez para tugunan ang smuggling, manipulasyon ng presyo at kagutuman sa bansa.

Sa pangunguna ni Salceda at ng House ways and means committee, kasama sa layunin ng super committee ang pagpigil sa market abuses at pagpapabuti ng food security sa bansa.

“Kung may mga middleman na nagsasamantala, dapat silang mapanagot,” diin ni Garin.
Inaasahang magiging daan ang imbestigasyon para sa mas mahigpit na regulasyon at parusa sa mga mapatutunayang sangkot sa pagsasamantala.