Kidnappers

Kinidnap na Chinese POGO worker, nasagip ng PNP-AKG

Alfred Dalizon Feb 19, 2025
32 Views

ISANG Chinese national na biktima ng kidnapping of-ransom ang nasagip ng mga tauhan ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group sa isang operasyon sa Malabon City noong Lunes na nagresulta rin sa pagkakadakip sa tatlong kidnappers, sinabi ni PNP-AKG director, Colonel Elmer E. Ragay sa People’s Tonight.

Ayon sa opisyal, ang biktima ay dating empleyado ng isang Philippine Offshore Gaming Operator o POGO company sa bansa na dinukot ng mga akusado madaling araw ng Febrero a-dose.

Sa kanyang ulat kay PNP chief, General Rommel Francisco D. Marbil, sinabi ng PNP-AKG director na unang nagreport sa local police ang live-in partner ng biktima. Makaraang i-report sa kanila ng Malabon City Police Station ang insidente, agad na naglunsad ng malawak na imbestigasyon ang PNP-AKG tungkol sa naturang kaso.

Lumabas sa imbestigasyon ng PNP-AKG na sumama ang biktima na itinago ang pangalan sa mga akusado na pinangakuan siyang bibigyan ng magandang trabaho. Tinanggap ng biktima ang alok sa kadahilanang wala na siyang trabaho matapos na i-ban ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang lahat ng POGO operations sa bansa dahil sa masamang dulot nito noong Nobyembre 2024.

Ngunit imbes na trabaho ang ibigay sa kanya, ang biktima ay dinukot ng mga suspects at itinago sa kanilang hideout sa loob ng anim na araw habang humihingi sila ng ransom money mula sa pamilya ng biktima sa Mainland China.

Sinabi ng live-in partner ng biktima na ang mga kidnappers ay humingi ng US$300,000 ransom money o halos P17.431 million para sa kanyang paglaya.

Ayon kay Col. Ragay, ang kanyang mga tauhan mula sa PNP-AKG Luzon Field Unit na pinamumunuan ni Col. Jeff E. Fanged, katuwang ang mga miyembro ng Malabon City Police Station ay naglunsad ng mga follow-up operations na nagresulta sa pagkakaligtas sa biktima malapit sa Victoria Court sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Potrero sa Malabon City noong Lunes.

Nadakma din ng mga tauhan ng PNP-AKG LFU ang tatlong kidnappers na pinangugunahan ng isa ring Chinese national at ang kanyang dalawang kasabwat na Pilipino.

Ang mga nadakip na kidnappers ay gumamit ng isang putting Toyota Fortuner na pinalitan nila ng license plate para iligaw ang mga otoridad.

Na-inquest ang tatlo sa kasong kidnapping-for-ransom sa Department of Justice noong Martes.

Iniimbestigahan sa kasalukuyan ng PNP-AKG ang napaunang ulat na nakapagbigay na ang pamilya ng biktima sa China ng halagang US$35,000 o halos P2.034 milyon sa mga kidnappers.

Ngunit hindi nakontento ang mga akusado at humingi pa ng dagdag na US300,000 o halos P17.431 milyon sa pamilya ng biktima kasabay ng pananakot na sasaktan o papatayin nila ang kanilang anak kung hindi nila ibibigay ang pera sa pamamatigan ng bank transfer.

“This accomplishment is truly laudable, thanks to the relentless dedication and perseverance of Team AKG who are always on the go to accomplish their sworn duties to save lives. Again, let this be a reminder for law breakers that the AKG is always ready and will never stop doing their job,” sinabi ni Col. Ragay.

Ang tatlong akusado ay kasalukuyang nakapiit sa PNP-AKG lock-up facility sa Camp Crame.