Sagun

Kita ng 6 Kadiwa outlet umabot sa P5.3M

185 Views

UMABOT umano sa P5.3 milyon ang kinita ng anim na Kadiwa outlet na inilungsad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ngayong taon, batay sa datos ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Junibert de Sagun, direktor ng Agribusiness and Marketing Assistance Service ang mga outlet na ito ay sa Cebu, Luneta, Batangas, Quezon City, Camarines Sur, at Limay, Bataan.

Sinabi ni Sagun na layunin sa pagbubukas ng Kadiwa ng Pangulo ang pagkakaroon ng opsyon ng publiko na mabibilhan sa mas murang halaga at ang pagbibigay ng puwesto sa mga magsasaka at mangingisda na makapagtinda.

“Parang binabawasan po natin iyong trading layers. Hindi naman po natin kaaway iyong mga traders kasi kasama sila sa ekonomiya pero binabawasan po natin yung trading layers para po ang kinikita ng mga nasa gitna, iyong iba diyan mapupunta na sa mga farmers at iyong iba naman kung mababawasan ng presyo is mas mura ang pagbili ng mga kunsumo nating mga publiko,” paliwanag ni de Sagun.

Sa tulong ng mga lokal na pamahalaan, wala umanong binabayarang renta sa puwesto ang mga nagbebenta kaya mas mababa nilang naipapasa ang kanilang mga produkto.

Bigas umano ang pangunahing binibili sa mga Kadiwa ng Pangulo outlet dahil mas mura ito kaysa sa mga palengke.