John Aguilar Jhon Aguilar ng JRU at Jef Egan ng Perpetual Help sa maaksyong tagpo sa NCAA Season 97 game sa La Salle Greenhills gym. Photo by Dennis Abrina

Knights, Lions namayani

Theodore Jurado Mar 30, 2022
252 Views

NAGPOSTE ang defending champion Letran at San Beda ng magkaibang panalo upang mapanatili ang kanilang malinis na kartada sa batang NCAA men’s basketball season kahapon sa La Salle Greenhills Gym.

Sinamantala ng Knights ang pagkawala ni big man Justin Arana upang tambakan ang Arellano University, 96-67, habang nalusutan ng Red Lions ang pagresbak ng Emilio Aguinaldo College sa huling sandali upang maitarak ang 85-81 panalo.

Nagsosyo ang Letran at San Beda sa unahan sa 2-0, na siyang nagpalakas ng kanilang estado bilang mga teams to beat ng liga.

Inisyal na may partial ACL tear, natuklasan si Arana na mayroon lamang right knee sprain na kanyang natamo sa 65-63 panalo kontra sa San Sebastian noong Linggo. Inaasahang sasailim siya sa therapy sa susunod na araw at may pag-asa pang makabalik sa season.

Dinikdik ng Letran ang kakulangan sa gitna ng Arellano, kung saan nagtala si Jeo Ambohot ng 20 points at walong rebounds, habang nagbigay si Mark Sangalang ng double-double na 10 points at 10 rebounds.

“We have to take advantage,” sabi ni coach Bonnie Tan matapos maiposte ng Knights ang pinakamalaking winning margin ng season. “People are looking at us. How we can respond as pagkawala ni Arana, na pinaka-top center ng NCAA. Hindi lang isang panalo lang kundi convincing win sana.”

Kumislap si Arana, na nasa huling taon para sa Chiefs, laban sa Stags na may 16 points at 15 rebounds, at ramdam nila ang kanyang pagkawala.

Ipinagpag ni James Kwekuteye ang foul trouble upang tumapos na may 16 points, kung saan nanguna siya sa pagkalas ng Lions sa third quarter breakaway na siyang sinandalan upang masawata ang paghahabol ng Generals sa fourth quarter .

“James is one of my veterans. Come to think of it, even though he was saddled with fouls in the first quarter, I didn’t play him in the second quarter because I want to preserve him from fouls. But he came back in the third quarter and made those shots. Sana tuloy-tuloy na,” sabi ni coach Boyet Fernandez matapos magtala ang San Beda ng 23-0 all-time win-loss record laban sa EAC.

Nagdagdag si Tommy Olivario ng 15 points, habang tumipa naman si transferee Rhenz Abando ng 11 points, pitong rebounds at dalawang blocks para sa Letran.

Sumalilalim lamang siya kay Tan noong February, sinisikap ni Abando na suklian siya ng Knights, na hinahabol siya sa off-season.

“Kay coach Bonnie, wala akong masabi kasi sobrang bait. Kung may pagkukulang kami sa bubble, siya ang nagbibigay, gumagawa ng paraan,” sabi ni Abando.

“Sobrang thankful ako kasi grabe ang kumpiyansa na ibinibigay sa akin kahit bago ako dito and may mga mas matatagal siyang player, mas may minutes pa rin ako sa kanila,” dagdag ng Pangsinan product.

Tumabla ang Arellano sa College of Saint Benilde sa 1-1, habang sumadsad ang EAC sa 0-2 kasama ng Lyceum of the Philippines University sa ilalim ng standings.

Iskor:

Unang laro

Letran (96) — Ambohot 20, Olivario 15, Abando 11, Sangalang 10, Caralipio 9. Reyson 6, Javillonar 6. Mina 5, Paraiso 4, Lantaya 4, Fajarito 3, Guarino 3, Yu 0, Tolentino 0.
Arellano (67) — Doromal 11, Carandang 11, Sablan 9, Caballero 7, Cruz 7, Valencia 6, Oliva 4, Steinl 4, Abastillas 3, Sta. Ana 3, Talampas 2, Uri 0, Dela Cruz 0, Concepcion 0.
Quarterscores: 20-17, 41-26, 66-51, 96-67

Ikalawang laro

San Beda (85) — Kwekuteye 16, Gallego 15, Amsali 13, Penuela 13, Alfaro 9, Bahio 5, Andrada 4, Abuda 3, Sanchez 3, Ynot 3, Cuntapay 1, Cometa 0, Visser 0, Jopia 0, Villejo 0.
EAC (81) — Robin 19, Maguliano 14, Taywan 13, Luciano 9, Liwag 7, Quinal 6, Fuentes 6, Doria Ad. 3, Bunyi 2, Gurtiza 2, Cosa 0, Ampad 0, Doria An. 0.