Letran Mainit ang bakbakan ng Letran at Mapua sa NCAA. Photo by Dennis Abrina

Knights, Lions wala pa ding talo

Theodore Jurado Apr 8, 2022
266 Views

NAGTALA ang defending champion Letran at San Beda ng magkaibang panalo upang manatiling malinis sa NCAA men’s basketball tournament kahapon sa La Salle Greenhills Gym.

Nagsumite si Rhenz Abando ng isang magandang laro nang iposte Knights ng wire-to-wire 80-60 na panalo laban sa Mapua.

Umiskor si JB Bahio ng putback mula sa sablay na lay-up ni Ralph Penuela sa huling 0.4 segundo nang masingitan ng Red Lions ang San Sebastian, 61-60.

Tangan ang magkakatulad na 4-0 na kartada, tanging ang Letran at San Beda ang wala pang talo, na siyang nagpalakas ng tsansa sa dalawang mortal na karibal upang makopo ang dalawang outright Final Four berths sa maikling torneo.

Sa halip na naging kasabik-sabik na “Battle of Intramuros” showdown, naging tambakan ang result kung saan hindi binigyan ang Knights na papormahin ang Cardinals.

Bumagsak ang Mapua sa pagtatabla sa walang larong College of Saint Benilde sa 3-1 sa pangatlo.

Ang pagiging kilala ni Abando kay Mapua coach Randy Alcantara, na naging manlalaro niya sa San Juan Knights sa regional leagues, ay naging madali sa kanya.

“Sobrang saya lang kasi nanalo kami at madadala namin ito sa mga susunod na games,” sabi ni Abando, na tumipa ng 14 points, siyam na boards, at dalawang assists sa 25 minutong paglalaro.

“Kilala ko si coach Randy. Hindi magpapatalo so dapat ready kami lagi,” aniya.

Ang pagiging season Rookie-MVP ay malayo sa isipan ni Abando.

“Para sa akin, one game at a time lang. Hindi naman mahalaga sa akin mga iyon,” sabi ni Abando, na isa sa susi sa second place finish ng University of Santo Tomas sa UAAP noong 2019 bago lumipat sa Letran nitong nakalipas na taon.

“Ayoko lang maging runner-up ulit. Gusto ko mag-champion talaga,” aniya.

Nanguna si Jeo Ambohot para sa Knights na may game-highs 16 points at 12 rebounds habang sina Brent Paraiso at Pao Javillonar na may tig-10 points.

Nagkainitan sa first quarter kung saan napatalsik si Letran’s Mark Sangalang sa laro matapos batuhin ng bola sa mukha si Mapua’s Warren Bonifacio. Tinawagan naman si Adrian Nocum ng technical foul dahil sa pagmumura.

Sa Stags-Lions match, nasibak rin si Ichie Altamirano sa huling bahagi ng second quarter makaraang tamaan si James Kwekuteye.

Iskor:

Unang laro

Letran (80) — Ambohot 16, Abando 14, Paraiso 10, Javillonar 10, Caralipio 8, Fajarito 6, Mina 5, Reyson 5, Yu 3, Guarino 3, Olivario 0, Sangalang 0.

Mapua (60) — Agustin 14, Pido 9, Hernandez 8, Gamboa 6, Bonifacio 6, Garcia 6, Mercado 4, Lacap 3, Milan 2, Asuncion 2, Nocum 0, Salenga 0, Sual 0.

Quarterscores: 20-12, 47- 32, 63-42, 80-60

Ikalawang laro

San Beda (61) — Kwekuteye 11, Alfaro 10, Abuda 8, Gallego 6, Andrada 5, Bahio 4, Amsali 4, Jopia 4, Visser 4, Villejo 3, Penuela 2, Sanchez 0, Cuntapay 0, Ynot 0.

SSC-R (60) — Calma 12, Calahat 10, Sumoda 8, Are 7, Villapando 6, Una 6, Dela Cruz 3, Shanoda 3, Altamirano 3, Felebrico 2, Desoyo 0, Loristo 0, Cosari 0.

Quarterscores: 12-15, 36-30, 45-45, 61-60.