Komadrona Binasahan ng mandamyento de aresto ang suspek (kanan) na komadrona matapos maaresto ng mga kapulisan ng Maynila, sa pamumuno ni PLt. Col. Ronald De Leon ng MPD Raxabago Police Station 1.

Komadrona na nagsagawa ng tuli na ikinamatay ng bata dinampot

Jon-jon Reyes Jul 12, 2025
453 Views

NATIMBOG ng mga operatiba ang 68-anyos na komadrona sa bisa ng arrest warrant na siyang itinuturong salarin sa pagkamatay noong Mayo 2025 ng isang 10 taong gulang na batang lalaki matapos tuliin ito sa isang maliit na klinika, umaga ng Huwebes sa Balut, Tondo, Manila.

Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Ronald De Leon ang suspek na si alyas “Teresita” na isang komadrona.

Siya’y naaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong reckless imprudence resulting in homicide at illegal practice of medicine na inisyu ni Presiding Judge Joel Lucasan ng Metropolitan Trial Court Branch 27 sa Lungsod ng Maynila na may petsang June 30, 2025.

Base sa report, bandang 11:30 ng umaga nang isilbi ng mga operatiba sa pamumuno ni Police Capt. Albert Badiola ang arrerest warrant ng suspek sa kahabaan ng Paulino Street, Barangay 146, Tondo, Manila.

Ang pag-aresto ay resulta ng intelligence driven operation ng Manila Police District (MPD) Station 1 sa pamumuno ni De Leon, alinsunod na rin sa gabay ni MPD District Director PBGen. Benigno Guzman, at batay sa programa ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso.