Sy Si Jed Pilapil Sy, ang asawa ng hinihinalang drug lord na si Allan Sy, sa pagdinig ng House quad committee.

Konek ni DU30, Yang sa 2004 Dumoy shabu lab raid ikinanta

109 Views

Ng misis ng drug lord suspect

ISANG testigo na humarap sa House quad committee ang nagpatibay sa alegasyon ng kaugnayan nina dating Pangulong Rodrigo R. Duterte at dati nitong presidential economic adviser na si Michael Yang sa isang shabu laboratory sa Dumoy, Davao City.

Ang operasyon, na naganap noong panahon na si Duterte ang alkalde ng lungsod, ay nagresulta sa pagkakatuklas at pagkakakumpiska ng higit sa 100 kilo ng high-grade shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P300 milyon.

Sa sinumpaang salaysay na iniharap sa pagdinig ng komite noong Huwebes, inilahad ni Jed Pilapil Sy, asawa ng hinihinalang drug lord na si Allan Sy at may-ari ng property sa Dumoy kung saan itinayo ang shabu laboratory, ang mga pangyayari bago ang misteryosong pagkawala ng kanyang asawa at ang kanyang naging pagkakakulong.

Ibinahagi ni Jed ang isang nakakatakot na serye ng mga pangyayari noong Disyembre 31, 2004, kabilang na ang pakikipagtalo sa noo’y Mayor Rodrigo Duterte.

Sinabi niya na nagtungo sa kanilang bahay sa Davao City ang galit na galit na si Duterte at hinahanap ang kinaroroonan ng kanyang asawa.

“Noong araw din na ‘yun, mga bandang 9:30 ng gabi, pinuntahan ako ni Mayor Duterte at hinahanap niya ang asawa ko sa aming bahay sa Arlene apartment kung saan kami umuupa. Tinanong ko si Mayor Duterte kung bakit niya hinahanap ang asawa ko, ang sabi lang niya ‘basta, galit na galit ako sa kanya,’” ayon kay Jed.

Pagpapatuloy pa nito, “Ako ay nagtataka at nagulat, at dahil dito tinanong ko si Mayor Duterte kung mayroon po bang kasalanan ang asawa ko sa kanya. Inulit lang ni Mayor Duterte na ‘basta, galit na galit ako sa kanya.’”

Sinabi ni Jed na pagkatapos ay binigyan siya ni Duterte ng magbabantay at binalaan siyang huwag lumabas ng bahay, ngunit hindi na niya dinugtungan pa ang kanyang mga sinabi.

Ilang oras pagkatapos ng pagbisita ni Duterte, nalaman ni Jed mula sa isang kaibigan na ni-raid ng mga awtoridad ang ari-arian sa Dumoy.

“Makalipas ng ilang oras, tumawag ang isa sa mga kaibigan ng asawa ko para sabihin sakin na ako daw ay manood ng telebisyon dahil na-raid daw ang Dumoy at nandoon ang asawa ko at may mga namatay,” saad ni Jed. “Noong pagkabukas ko ng telebisyon, napanood ko ang news tungkol sa Dumoy raid at may mga napaslang.”

Ang raid sa Dumoy ang huling pagkakataon na diumano’y nakita si Allan Sy, na ayon kay Jed ay magpahanggang ngayon ay hindi niya nalalaman kung patay na o buhay pa ang kanyang asawa.

Si Jed, at kapatid nitong si Jong Pilapil, kasama ang iba pa ay inaresto kinabukasan at nahatulan ng hukuman ng habang buhay na pagkakakulong sa isang piitan sa Davao City.

Naninindigan si Jed na ang kanilang pagkakakulong ay base sa gawa-gawang ebidensya, subalit ito ay una ng kinatigan ng Mataas na Hukuman.

Ang sinumpaang salaysay ay nagbigay pa ng mga detalye na nag-ugnay kay Yang at koneksyon sa mga negosyo ng pamilya Sy sa pamamagitan ng DCLA Plaza sa Davao City.

“Ang DCLA Plaza na pagmamay-ari ni Hong Ming ay naging display area namin ng foam,” saad nito, na tinutukoy si Yang sa kanyang tunay na pangalan sa Chinese na Hong Ming Yang.

Nang ipakita sa kanya ang larawan ni Yang, kinumpirma ni Jed ang nasa larawan at sinabing siya nga ang malapit na kaibigan ng kanyang asawa.

Ang mga pahayag ni Jed ay tumutugma sa mga sinabi ng sinibak na opisyal na si Police Col. Eduardo Acierto, na inakusahan si Duterte ng pagtatanggol kay Yang at isa pang hinihinalang drug lord na si Allan Lim, kilala rin bilang Lin Weixiong, mula sa pananagutan noong kanyang panunungkulan bilang presidente.

Una ng pinatotohanan ni Acierto sa kaniyang pahayag na si Yang ang nagpapatakbo ng drug laboratories sa Mindanao, kabilang na ang Dumoy lab, simula pa noong mga unang taon ng 2000.

Sinabi ni Acierto sa mga mambabatas, “Si Michael Yang, na kilala rin sa alias na ‘Dragon’ ay malaki ang kinalaman sa paggawa at pamamahagi ng ilegal na droga,” batay sa intelligence report na nakalap noong 2017.

Sinabi rin ni Acierto na nagbigay si Yang ng mga dokumento sa pagpapadala ng iligal na droga na nasamsam sa isang raid noong 2005 sa Cagayan de Oro City.

Ayon pa kay Acierto, isinama niya ang impormasyong ito sa isang detalyadong matrix na ibinigay kay dating Philippine National Police (PNP) Chief Ronald Dela Rosa, dating Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino, at Police Deputy Director General Camilo Cascolan.

Ang ulat ay ipinasa rin kay dating PNP Chief Oscar Albayalde, ang kahalili ni Dela Rosa. Subalit hindi na ito binigyang-pansin, habang sina Acierto at kanyang grupo ay pinalabas na walang kredibilidad at hindi kapani-paniwala ang kanilang mga natuklasan.

Inakusahan ni Acierto si Dela Rosa na inupuan lang ang kaso at sa halip na tugunan ang alegasyon ay nakipagkita pa si Dela Rosa kay Allan Lim, na hinihinalang drug lord.

Ipinahayag ni Acierto na agad matapos niyang isumite ang ulat, inakusahan siya ni dating Pangulong Duterte ng pagiging kasangkot sa iligal na droga.

Noong Oktubre 2018, pinangalanan ni Duterte si Acierto bilang isa sa mga opisyal ng pulisya na diumano’y konektado sa iligal na kalakalan ng droga.

Noong 2019, nagtago si Acierto matapos masangkot sa smuggling ng P11 bilyong halaga ng droga na nakatago sa mga magnetic lifters na natagpuan sa Manila International Container Port at isang bodega sa Cavite.

Sa kanyang naunang testimonya sa House committee on dangerous drugs, sinabi ni Acierto na diumano’y ipinag-utos ni Duterte na patayin siya dahil sa kanyang mga imbestigasyon kay Yang at Lim, na diumano’y mga kilalang malapit kay dating Special Assistant to the President at ngayo’y Senador Christopher “Bong” Go.

“Pinapapatay po ako ni Duterte dahil tinutukan ko at pinaiimbestigahan ko si Michael Yang at Allan Lim na malapit na kaibigan ni Bong Go,” saad pa nito.