Kongresista ipinaalala ang banta ni Speaker Romualdez na ipakukulong ang sinomang resource person na ayaw makipag-tulungan sa Kamara

Mar Rodriguez Mar 21, 2023
166 Views

IPINAALALA nang isang beteranong kongresista na seryoso si House Speaker Ferdinand Martin Gomez Romualdez sa kaniyang naging banta na papatawan ng “contempt” at ipakukulong ang sinomang “resource person” na ayaw makipag-tulungan, nagsisinungaling at absent sa isinasagawang imbestigasyon ng House Committee on Agriculture and Food.

Binigyang diin ni Cavite 4th Dist. Congressman Elpidio “Pidi” F. Barzaga, Jr. na hindi aniya nagbibiro at totoong seryoso si Speaker Romualdez sa kaniyang naging babala na hindi mangingimi ang Kamara de Representantes na patawan ng “contempt” at ipakukulong ang mga ‘pasaway” na resource person.

Ang pahayag ni Barzaga ay kaugnay sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng House Committee on Agriculture and Food na pinamumunuan ni Quezon 1st Dist. Congressman Wilfrido Mark M. Enverga tungkol sa isyu ng hoarding at manipulation sa presyo ng bawang at sibuyas at iba pa.

Nadismaya si Barzaga matapos na sabay-sabay na hindi sumipot ang mga inanyayahang resource person para humarap sa imbestigasyon ng Komite para magbigay linaw sa mga kontrobersiyang bumabalot sa hoarding at Price manipulation ng mga agricultural products.

Ikinatuwiran ng mambabatas na mistulang sinasadya na aniya ng mga resource person ang hindi sumipot sa nasabing pagdinig. Sapagkat sabay-sabay umano silang nagkasakit na siyang ginamit nilang dahilan para hindi makadalo sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Komite.

Dahil dito, iginiit ni Barzaga na mismong si House Speaker Romualdez na ang nag-isyu ng direktiba kay Congressman Enverga na ang mga inaanyayahang resource person ay kailangang magsabi ng totoo at kinakailangan din nilang humarap sa pagdinig ng kaniyang Komite.