EJK

Kongresista kay FRRD: Sa House Quad Comm ka magpaliwanag

75 Views

SA quad committee ng Kamara de Representantes umano dapat magpaliwanag si dating Pangulong Rodrigo R. Duterte kaugnay ng kanyang madugong war on drugs campaign, ayon kay House Assistant Majority Leader Pammy Zamora ng Taguig City.

Sinabi ni Zamora na ang quad comm ang angkop na venue kung saan maaaring bigyang linaw ni Duterte ang kampanya laban sa iligal na droga. Sa Nobyembre 7 ay muling magsasagawa ng pagdinig ang naturang komite.

“As a lawyer, ex-President Duterte has the opportunity to show Filipinos his commitment to lawful processes by participating in the Quad Comm inquiry into the war on drugs, which allegedly claimed over 30,000 lives,” ani Zamora, isa sa mga lider ng Young Guns ng Kamara.

Sinabi pa ni Zamora na ang presensya ni Duterte sa pagdinig ay isang pagrespeto sa rule of law at pagpapahayag sa lahat na anuman ang kanilang estado, titulo at posisyon sa gobyerno ay dapat handang magpaliwanag at managot sa kanilang mga ginawa.

Matapos ihayag sa media na dadalo sa pagdinig ng komite ng Kamara kung iimbitahan, nabigo si Duterte na pumunta sa pagdinig noong Oktubre 22.

Sa halip, nagpadala ng sulat ang abogado nito sa komite at sinabi na masama ang pakiramdam nito at dadalo kung muling iimbitahan pagkatapos ng Undas.

Gayunpaman, nakarating si Duterte sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon subcommittee noong Oktubre 28 na tumatalakay din sa war on drugs campaign ng nakaraang administrasyon.

Iginiit ni Zamora na sa pagdalo ni Duterte sa quad comm ay maaalis ang impresyon na mas pinapaboran nito ang ibang mga lugar kaysa sa Mababang Kapulungan sa pagsagot ng mga tanong, at magiging isa itong mabuting halimbawa sa mga kasalukuyan at dating opisyal na iniimbitahan sa pagdinig.

“I likewise assure that the former President would be treated with respect, and be given the opportunity to shed light on all the pressing concerns over the previous drug war,” ayon pa kay Zamora.