mariano

Indigent funeral package para sa mahihirap hiling ng mambabatas

Mar Rodriguez Nov 11, 2022
293 Views

IKINABABAHALA ng isang Party List congressman na hanggang sa kamatayan ay dala parin ng isang mahirap na tao ang kaniyang karukhaan dahil sa kakulangan nito ng pambayad sa isang punerarya. Kaya isinulong nito ang isang panukalang batas na nagbibigay ng mandato sa lahat ng punerarya na magkaloob ng “indigent funeral package” para sa lahat ng mahihirap na namatayan ng mahal sa buhay.

Kabilang si House Minority Leader at 4Ps Party List Cong. Marcelino C. Libanan sa naghain ng House Bill No. 3678 sa Kamara de Representantes na naglalayong obligahin o magkaroon ng mandato para sa lahat ng funeral parlors funeral homes o services na magkaloob ng tinatawag na “indigent funeral package” para sa mga mahihirap na pamilya.

Ikinatuwiran ni Libanan na alinsunod sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang kaso ng kahirapan o poverty noong unang semester ng 2021 ay umakyat ng 2.6 percentage points hanggang 23.7% mula naman sa dating 21%.

Sinabi pa ni Libanan na isinasaad din ng datos ng PSA na ang bilang ng mga mahihirap na pamilya ay sumampa o umakyat din ng 3.88 million hanggang 26.14 million sa unang semester ng 2021 mula naman sa 22.26 million sa parehong panahon noong taong 2018.

Binigyang diin ng Party List solon na hindi maikakaila na maraming mamamayang Pilipino ang nabubuhay sa labis na karukhaan at namamatay na baon sa malaking pagkakautang.

Kung saan, idinagdag pa ni Libanan na ang ilan sa mga mahihirap na pamilya ay napagkaitan ng maayos na burol at libing ang kanilang yumaong mahal sa buhay dahil narin sa napakamahal o masyadong mataas na singil sa isang punerarya para sa inaalok nitong funeral services.

Ikinatuwiran pa ni Libanan na karaniwan, ang minimum cost o halaga para sa isang funeral services ay umaabot ng P8,000 hanggang P15,000. Subalit nananatiling mataas parin ang nasabing halaga para sa isang pamilyang nasa mahirap at naghihikahos na kalagayan.

Dahil dito, sinabi ng kongresista na layunin ng kanilang panukalang batas na obligahin o magkaroon ng mandato para sa mga funeral parlors at funeral homes na mag-alok ng indigent funeral package sa isang mahirap na pamilya tulad ng “indigent burial package” at “indigent cremation package”.