Kongresista: Pangako ni PBBM na pababain presyo ng bigas P20 kasa kilo di imposible

Mar Rodriguez Jun 7, 2022
213 Views

NANINIWALA ang isang Party List congressman na hindi imposible ang ipinangako ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na pababain ang presyo ng bigas sa halagang P20 kada kilo.

Sinabi ni Magsasaka Party List Rep. Argel Cabatbat na possibleng mangyari ang ipinangako ni Marcos noong panahon ng kampanya bilang “aspiration” nito. Kung agad na mailalatag aniya ang mga tamang programa para sa sektor ng agrikultura.

Binigyang diin ni Cabatbat na kailangang ipakita din ng pamahalaan na buo ang tiwala nito sa mga Pilipinong magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay nito ng sapat na suporta para sa mga ito na isang paraan ng pagtutulungan ng magkabilang panig.

Ipinaliwanag din ng kongresista na mahalaga din na magkaroon ng karagdagang budget na hindi bababa sa P400 bilyon isang solusyon na nakikita niya para muling pasiglahin ang agrikultura ng bansa.

Sinabi pa ni Cabatbat na sa pamamagitan ng nasabing pondo, mailalaan ang P400 bilyon upang matiyak na magkaroon ng mahusay na serbisyo sa larangan ng agrikultura.

Bukod dito, ipinaliwanag pa ng mambabatas na masasawata din ang napakamahal na gastos para sa produksiyon ng mga palay mula sa pataba, irigasyon hanggang sa bentahan ng ani.

Inihalimbawa ni Cabatbat ang karanasan ng Thailand at Vietnam na kilalang “rice-exporting countries” kung saan todo suporta ang kani-kanilang gobyerno pagdating sa budget at mekanisasyon ng pagsasaka. Kung kaya’t mababa umano ang kanilang “production cost” at tumataas ang kanilang ani.