Alfred Vargas

Kongresista suportado planong ayuda ni Romualdez sa mga naapektuhan ng pandemya

Mar Rodriguez May 23, 2022
248 Views

SINUSUPORTAHAN ng isang Metro Manila solon ang ikakasang programa ni House Majority Leader at Leyte 1st Dist. Rep. Martin G. Romualdez bilang susunod na House Speaker ng 19th Congress kaugnay sa paglalaan ng kaukulang budget para sa ayuda na ipamamahagi para sa mga taong lubhang naapektuhan ng COVID-19 pandemya.

Sinabi ng dating aktor at Quezon City Rep. Alfred Vargas na malaki ang maitutulong ng nasabing ayuda para sa mga programang isusulong ni President-Elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa mga Pilipinong lubhang iginupo ng Pandemiya.

Ipinaliwanag ng kongresista na kinakailangan aniya ng malaki-laking budget para tulungan ang mga Pilipino na sumadsad ang pamumuhay dahil sa nawalan sila ng trabaho at hanap buhay.

Kasabay nito ang pagbabalangkas ng mga plano para tuluyan ng wakasan ang pananalanta ng COVID-19 Pandemic sa bansa.

“It is crucial that we extend to the incoming administration the widest range of budgetary tools to address the continuing effects of the Pandemic on affected sectors and bring the economy back on its feet,” paliwanag ng mambabatas.

Sinabi pa ni Vargas, Chairman ng House Committee on Social Services, na ang mga mahihirap ang isa sa mga pangunahing naapektuhan ng Pandemiya kaya nararapat lamang na maipagpatuloy ang mga programa para tulungan ang sektor ng mahihirap.

“The oppressive economic efforts of the Pandemic continues to be felt by the poor and other vulnerable sectors. Aid in the form of financial and food assistance remains to be the most immediate lifeline that government can extend to them,” sabi pa ni Vargas.