Calendar
Kongreso, LGUs may responsibilidad sa mga bata–Speaker Dy
IGINIIT ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III na may responsibilidad ang Kongreso at mga lokal na pamahalaan sa pagprotekta sa mga bata mapa sa aktwal na komunidad o online na mundo.
Sa kanyang talumpati sa 2026 League of Municipalities of the Philippines (LMP) Visayas Island Cluster Conference sa Royce Premium Hotel sa Clarkfield, Pampanga, tinalakay ni Speaker Dy ang mga panukalang batas na naglalayong palakasin ang kaligtasan ng mga bata, kabilang ang responsableng pagmamay-ari ng baril at mas ligtas na paggamit ng social media ng mga menor-de-edad.
Mahalaga ang pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan upang matiyak na ang mga batas na ipinapasa ng Kongreso ay nagiging konkretong proteksiyon para sa mga bata sa paaralan, tahanan at mga komunidad.
“Ito ang gusto nating partnership sa pagitan ng national at local governments.
Kailangan natin ang ating mga mayor, barangay officials, kapulisan, paaralan, social workers at mga magulang upang gawing tunay na proteksyon sa ating mga anak ang mga batas na ito,” dagdag niya.
Dumalo sa kumperensya ang mga mayors sa Visayas sa ilalim ng temang “Building Responsive and Future-Ready Municipalities Through Convergence, Collaboration, and Regional Integration.”
Pinamumunuan ng national president ng grupo na si Faustino “Inno” Dy V, alkalde ng Echague, Isabela, ang LMP.
Binigyang-diin ni Dy ang pangangailangang magkaroon ng mas mahigpit na hakbang laban sa hindi awtorisadong pag-access sa mga baril, lalo na ng mga menor de edad.
Binanggit nito ang House Bill No. 11387 o ang panukalang Responsible Firearm Ownership and Safe Storage Act na inihain niya kasama si Majority Leader Sandro Marcos.
Layunin ng panukala, sinabi ng Speaker, na higpitan ang mga patakaran sa ligtas na pagtatago ng mga baril, gawing mandatoryo ang gun-safety training at panagutin ang mga may-ari kapag dahil sa kapabayaan ay nakakuha ng baril ang isang menor de edad o ibang taong walang awtorisasyon.
Itinampok din ng Speaker ang House Bill No. 9965 o ang panukalang Children’s Social Media Safety Act na inihain niya kasama sina Senior Deputy Speaker Dinand Hernandez at Majority Leader Marcos.
Sa ilalim ng panukala, hindi papayagan ang mga batang wala pang 13 taong gulang na magkaroon ng social media account. Para naman sa edad 13 hanggang wala pang 18, kakailanganin ang pahintulot at pangangasiwa ng mga magulang.
“Whether they are walking into a classroom or logging onto a social media platform, our children deserve an environment designed with their safety in mind,” ani Dy.

