Garin

Kongreso may nakalaang pondo para sa PGH

Mar Rodriguez Mar 16, 2024
151 Views

PALAGI umanong naglalaan ng pondo ang Kamara de Representantes para sa pangangailangan ng Philippine General Hospital (PGH) upang magtuloy-tuloy ang pagseserbisyo nito sa publiko.

Ayon kina Deputy Majority Leaders Janette Garin at Erwin Tulfo palaging nakasuporta ang Kamara sa ilalim ng liderato ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sa mga programang pangkalusugan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., lalo na sa pagpapaganda ang serbisyong medikal sa bansa.

Ayon kay Garin na vice-chairperson ng House Committee on Appropriations, sa pagtalakay ng 2023 budget ng PGH ay binigyang-diin ang kahalagahan ng pagsasa-ayos ng mga imprasktraktura ng ospital gayundin ang pagtatayo ng mga bagong gusali para rito.

“Patuloy na tinutulungan ng Kongreso yung PGH. Nung 2023 dahil sa kumpas nga ni Speaker Martin Romualdez, ang sabi nya, bawat buhay mahalaga, dapat tutukan ang kalusugan. Nagpa-soil test nga para i-transform into high rise buildings ‘yung mga bagong ilalagay doon para ma maximize ‘yung space (ng PGH),” ani Garin na dating kalihim ng Department of Health.

Tinukoy ni Garin na sa 2023 budget naglaan ang Kongreso ng P7.57 bilyong pondo para sa PGH. Ito ay nahahati sa: P2.79 bilyon para sa personnel services, P2.62 bilyon para sa maintenance and operating expenses, at P1.2 bilyon para sa capital outlay.

Kasama rin dito ang P126.9 bilyon na hazard pay ng mga healthcare worker, P828.27 milyon para sa na medical assistance ng mga mahihirap na pasyente, at ang pagsasa-ayos at rehabilitasyon ng mga gusali ng ospital.

Ngayong 2024, may nakalaan namang P7.04 bilyon para sa PGH. Sa halagang ito P2.89 bilyon ay para sa personnel services, P2.07 bilyon ang para sa MOOE, at P1 bilyon para sa capital outlay.

Nakapaloob dito ang P77.7 milyon na personnel benefits, P633.9 milyon na MAIP at pondo para sa Child Protection Unit, pagsasa-ayos ng natal ICU, at fire suppression ang detection system.

“And yung sa fire suppression and detection system, binigyan sila ng P10 million na MOOE pero meron dun kaakibat na P250 million na capital outlay. Iyan po ang inallocate ng Kongreso, though our leaders, para sa Philippine General Hospital,” ani Garin

Sabi naman ni Tulfo na bagamat may sapat na pondo para sa pagpapabuti ng pasilidad ng PGH, ang congestion o pagsisiksikan sa ospital ay nakakabalam din sa plano sanang pagsasa-ayos.

“Hindi naman po nagkulang ang Kongreso. Ang problema, iyong nakausap ko, iyong isang doctor ng PGH, I think that was a couple of months ago, sabi ko bakit hindi nare-repair doc iyong gusali ninyo?” sabi ni Tulfo.

“Sabi niya, saan po natin dadalhin Congressman iyong mga pasyente? Kasi pag ne-repair po natin, pukpok ng pukpok, ang dami pong gagalawin diyan, mga kuryente, rewire, mga tiles, where will we move them? Kaya pinaplano po nila ng maayos iyan, how they will attack this repair, rehab?” dagdag pa niya.

Samantala, sinabi ni Anakalusugan Partylist Rep. Ray Reyes bilang suporta ng Kongreso sa pagbibigay prayoridad ng administrasyong Marcos sa pangangalaga sa kalusugan ay inaprubahan ng House Committee on Health ang pagtatayo ng Philippine Liver Center, isa pang specialty hospital.

“Yung Liver Center ay isa sa mga naisip natin. Makikita po natin sa datos ngayon na tumataas na ang mga liver diseases natin dito sa Pilipinas. Siguro karamihan sa atin mahilig sa matatamis, matatabang pagkain sasamahan pa natin ng inom, ay talagang nabubugbog na po talaga yung ating atay,” pagbabahagi ni Reyes

Aniya, tulad ng Philippine Cancer Center na pinasinayaan kamakailan, ang Liver Center ay naglalayon maisama sa listahan ng mga specialty hospitals ng bansa.

“Naka-tie-up din po ito sa Universal Health care din natin, na pag naagapan po ito sa mga early screenings at mga proper treatment, mapapalibre po ‘yung pag gamot, mapapamura din po yung pag treatment at mas gaganda yung quality ng buhay ng mga Pilipino,” aniya.