MMDA

Konsiderasyon para sa mga MC riders na sumisilong sa ilalim ng mga tulay hiniling

Mar Rodriguez Jul 30, 2023
400 Views

IGINIGIIT ni Manila 2nd Dist. Congressman Rolando “CRV” M. Valeriano sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magkaroon naman ng konsiderasyon para sa mga “motorcycle riders” na sumisilong sa ilalim ng mga tulay o underpass sa panahon na malakas ang buhos ng ulan sa Kalakhang Maynila.

Hindi katanggap-tanggap para kay Congressman Valeriano, Chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ang naging pahayag kamakailan ng MMDA na pinagbabawalan ang mga “motorcycle riders” na magkumpulan sa ilalim ng mga tulay o footbridges kapag malakas ang buhos ng ulan sa Metro Manila.

Ikinatuwiran naman ng MMDA na maaari itong maging sanhi ng aksidente sapagkat posibleng mabangga ang mga motorcycle riders ng iba pang motorista tulad ng mga sasakyan at truck dahil halos nasasakop na nila ang kalahati ng kalsada.

Gayunman, sinabi ni Valeriano na kailangan aniyang balansehin ang sitwasyon sapagkat pumapasok sa ganitong usapin ang tinatawag na “abuse of discretion” sa panig ng MMDA.

Ikinatuwiran ng mambabatas na dahil may authority ang MMDA na ipataw o i-impose ang batas. Hindi umano ibig sabihin nito ay may karapatan na rin silang gawin ang mga naisin nila ng hindi man lamang nito isinasa-alang alang ang konsiderasyon partikular na para sa mga motorcycle riders na may dahilan aniya kung bakit sila sumisilong sa ilalim ng mga tulay at footbridges.

Binigyang diin ni Valeriano na hindi naman nag-iipon-ipon ang mga motorcycle riders sa ilalim ng tulay o footbridges kung hindi naman malakas ang buhos ng ulan sa Metro Manila dahil mas nanaisin pa aniya ng mga ito na pumasada kapag mahina lamang ang ulan. Subalit napipilitan na lamang sila na sumilong sa mga nasabing lugar kapag matindi na talaga ang buhos ng ulan na maaari nila ikapahamak.

Dahil dito, iginigiit ng kongresista sa MMDA na magkaroon naman ng kahit kaunting konsiderasyon para sa mga motorcycle riders. Gayong wala naman talaga silang naipapatayong silungan para sa mga ganitong sitwasyon. Kung kaya’t kadalasan ay makikita ang mg motorcycle riders na nag-iipon-ipon sa ilalim ng mga tulay at footbridges.

“Balansehin natin, In this kind of imposition, sumisilip yung tinatawag na “abuse of discretion”. Just because you can impose rules, you wantonly do so. The riders do not gather under the bridge when it is not raining, their time is of the essence na mas mainam pa sa kanila an pumasada sa mahinang ilan,” paliwanag ni Valeriano.

Sinagot din ni Valeriano ang naging paliwanag ng MMDA matapos nitong ipahayag na mas delikado aniya para sa mga motorcycle riders ang bumiyahe sa mga basang lansangan kapag malakas ang buhos ng ulan. Kumpara sa nakahimpil lamang sila o nakasilong sa ilalim ng mga tulay at footbridges gaya umano ng naging katuwiran ng MMDA na delikado.

“Saan ba mas prone sa aksidente ang mg riders? ang bumiyahe sila habang malakas ang buhos ng ulan o ang magkumpulan sila sa ilalim ng tulay? Sila kaya subukan nilang bumiyahe ng malakas ang buhos ng ulan, tignan ko lang kung hindi sila ma-aksidente,” katuwiran pa ni Valeriano.