Martin

Konstitusyon aamyendahan para dumami pamumuhunan sa bansa

188 Views

NAKATUON umano ang atensyon ng mga mambabatas na nagtutulak na maamyendahan ang Konstitusyon sa mga probisyon na makahihikayat sa mga dayuhang negosyante na mamuhunan sa bansa.

Ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang pagdami ng pamumuhunan sa bansa ay makapagpapa-unlad ng ekonomiya, magpaparami sa trabahong mapapasukan, makababawas ng kahirapan, at makapagpapababa ng presyo ng mga bilihin.

“The proponents of the lifting of the economic provisions in the Constitution agree on one thing, opening the economy wide for inflow of foreign capital is the key to address the aspirations and ideals of Filipinos in present times,” sabi ni Speaker Romualdez sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng Constitution Day sa Malacañang kung saan panauhing pandangal si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Romualdez patuloy ang isinasagawang pagdinig ng House Committee on Constitutional Amendments sa mga panukala at resolusyon na humihiling na amyendahan ang 36-anyos na Konstitusyon.

“Ang pangarap ng bawat pamilyang Pilipino sa ngayon: isang mapayapang komunidad na may trabaho, mataas na sahod, murang bilihin, at pag-asang umunlad pa sa buhay,” ani Speaker Romualdez, na siyang pangulo ng Philippine Constitution Association (Philconsa).

Sinabi ni Romualdez na bagamat nakagawa ng mga batas ang Kongreso para mahikayat ang mga dayuhang mamumuhunan sa bansa, nananatiling kulang ito hangga’t hindi nababago ang Konstitusyon para mapaluwag ang mga probisyon sa pagnenegosyo sa bansa.

Sa ilalim ng 1987 Constitution ay limitado lamang ang maaaring maging pagmamay-ari ng mga dayuhan sa mga kompanya sa bansa.

Ito ang isa sa mga itinuturong dahilan kung bakit mas pinilipi ng mga dayuhang mamumuhunan na sa karatig bansa na lamang ng Pilipinas pumunta.