Haresco

Konstitusyon ng ibang bansa ilang ulit binago para pasukin ng dayuhang mamumuhunan

132 Views

IGINIIT ni Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco Jr. ang kahalagahan na maamyendahan ang 1987 Constitution ng bansa upang makasabay ito sa iba pang ASEAN countries na ilang ulit ng nagbago ang kani-kanilang Konstitusyon upang pasukin ng mga dayuhang mamumuhunan.

Sa isang press conference noong Miyerkoles, sinabi ni Haresco na ang mga bansa gaya ng Indonesia, Vietnam, at Thailand ay nagbago ng kanilang Konstitusyon upang makatugon sa pagbabago sa mundo samantalang sa nakaraang 37 taon ay hindi pa ito nababago ng Pilipinas.

Ito umano ang dahilan kung bakit mas maraming dayuhang mamumuhunan ang pumapasok sa ibang bansa kumpara sa Pilipinas.

“Sila po sa Indonesia, Vietnam, Thailand, members of ASEAN, they have changed their constitutions so many times. Thailand, 20 times silang nagkaroon ng constitution; Indonesia, 9 times; Malaysia, so many times,” sabi ni Haresco.

Ipinapakita umano nito na ang ibang bansa ay gumagawa ng mga kinakailangang pagbabago upang mas maging competitive.

Ipinunto ni Haresco na ang pagtutol sa pag-amyenda sa 1987 Constitution ay nag-ugat sa walang basehang kuro-kuro na masisira ang lipunan ng bansa kung gagalawin ito.

“We base our assumption that if we open up the discussion on the Constitution, we’d break up our society. That is completely untrue,” giit ni Haresco.

Ipinunto ni Haresco na mayroong mga bansa, gaya Estados Unidos ang nagpakita ng flexibility sa kanilang Konstitusyon upang makatugon sa kinakaharap nitong hamon.

“The US, it is a free economy—you can buy land, whatever you can invest in whatever, wherever. That’s the land of the free,” giit ni Haresco.

“But it seems to me from the point of view of economics, our Constitution is for the land of the few,” dagdag pa nito.

Ayon kay Haresco mahalaga na mabago ang Konstitusyon na naayon sa kasalukuyang pangangailangan ng bansa.

Ayon kay Haresco mayroong mga probisyon ang kasalukuyang Konstitusyon na nagsisilbing balakid sa pagpasok ng mga dayuhang mamumuhunan, bagong teknolohiya, at mas malawak na paglahok sa ekonomiya ng mundo.

“We don’t have enough capital. We don’t have enough technology. We don’t have enough foreign entrepreneurship to participate actively in this global world,” sabi ng solon.

Kung hindi umano babaguhin ang Saligang Batas, ayon kay Haresco mananatiling nahuhuli ang Pilipinas sa mga kapitbahay nito sa ASEAN.

“If we don’t open ourselves to this debate about opening up the Constitution, we will be not only the laggard of ASEAN, but of Asia,” sabi nito.

Sinabi ni Haresco na patuloy na dumarami ang mga naniniwala ng pangangailangan na baguhin ang Konstitusyon upang mas malayang makapagnegosyo sa bansa ang mga dayuhang mamumuhunan.