Health

Kontrata sa health service provider ng Manila naputol bigla

Edd Reyes Oct 10, 2025
259 Views

BINIRA ng Sangguniang Panlungsod ng Maynila ang umano’y biglang pagtigil ng kontrata ng health service provider na nagdulot ng perwisyo sa health system ng lungsod.

Hindi napigilan ng mga konsehal na maglabas ng galit at panggigigil sa service provider na nakakuha ng kontrata para sa pagpapabuti ng serbisyong pangkalusugan ng lungsod.

Ayon kay Majority Floor Leader Councilor Mon Yupangco, sa Disyembre pa magtatapos ang kontrata sa naturang service provider kaya nakapagtataka kung bakit biglaan itong pinutol ng walang malinaw na paliwanag.

Nilinaw ni 3rd District Councilor Timothy “Tol” Oliver Zarcal na hindi pwedeng i-terminate ng mga pribadong kompanya ang kanilang kontrata sa pamahalaang lungsod nang hindi isinasangguni sa Sangguniang Panlungsod.

Napagalaman na sa nakalipas na administrasyon pa pumasok sa kontrata ang service provider at inabutan na lang ito ng administrasyon ni Mayor Isko Moreno.

Ang naturang service provider ang umaasikaso at nagpapatupad ng Electronic Medical Record system upang maging mabilis ang registration at konsultasyon ng mga pasyenteng residente ng Maynila dahil madali na lamang para sa mga health workers na makuha ang history ng pasyente para maging episyente at wasto ang pagsasailalim sa kanila sa pagsusuri.

Dahil sa pagkaputol ng kontrata, magiging mano-mano na ang rehistrasyon at konsultasyon kaya’t hindi lamang mga health workers ang mahihirapan, lalu na ang mga pasyente, partikular ang mga matatanda.