Calendar
Kontroladong socmed privacy settings sa kabataan panlaban sa harassment
BUNGA ng dumaraming pangha harass sa mga kabataan gamit ang social media, ipinanukala ni Senador Erwin Tulfo na palakasin ang proteksyon para sa mga kabataang Pilipino sa digital na mundo sa pamamagitan ng kanyang inihaing Senate Bill No. 595 na may pamagat na “An Act Establishing Safeguards for the Use of Social Media by Minors, Promoting a Safe and Age-Appropriate Digital Environment, and Protecting Minors from Digital Addiction, and for Other Purposes.”
Sa ilalim ng panukalang batas, layunin ng senador na ipatupad ang mga konkretong hakbang para mapanatiling ligtas ang mga kabataan habang gumagamit ng social media.
Kabilang dito ang awtomatikong privacy settings para sa mga menor de edad, mga content filter na naaayon sa kanilang edad, at mahigpit na pagpapatunay ng edad sa bawat platform.
Dagdag pa rito, iminungkahi ang paggamit ng mga tool para sa mga magulang at tagapag-alaga upang ma-monitor at makontrol ang screen time ng mga bata.
Kasabay nito, isinusulong din ang pag-integrate ng digital literacy programs sa kurikulum ng mga paaralan upang mas maging responsable ang kabataan sa paggamit ng teknolohiya.
Sa pagpapatupad ng panukala, mga pangunahing ahensyang sangkot ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), at Department of Education (DepEd).
Ang mga ito ang inaasahang mangunguna sa regulasyon, pangangasiwa, at edukasyon ukol sa ligtas na paggamit ng internet.
Ayon sa panukala, kailangan ding sumunod ang mga social media companies sa mahigpit na patakaran sa reporting, content moderation, at age-gating mechanisms.
Binibigyang-diin sa panukala na “Child-focused non-governmental organizations, school administrators, and other civil society groups are anticipated to be engaged during public hearings and technical consultations.”
Layon nitong mapag-usapan sa mas malawak na konteksto ang implementasyon ng batas, ang tamang balanse sa privacy ng user, at ang pagsunod sa umiiral na batas ukol sa proteksyon ng kabataan at karapatang pantao.

