Bonoan

Korea nag-alok na pondohan nakapilang proyekto ng DPWH

216 Views

NAG-ALOK ang Korea Eximbank (KEXIM) Manila Representative Office na pondohan ang mga nakapilang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ang KEIXIM ang implementing agency ng Economic Development Cooperation Fund (EDCF) Official Development Assistance (ODA) program ng gobyerno ng Korea.

Sa pakikipagpulong kay DPWH Secretary Manuel M. Bonoan at Senior Undersecretary Emil K. Sadain, ipinahayag ni KEXIM-EDCF Country Director and Chief Representative Jaejeong Moon ang kanilang interes na suportahan ang mga proyekto sa ilalim ng ‘Build Better More’ ng Marcos administration.

Ayon kay Senior Undersecretary Sadain, ang in-charge sa ODA-funded projects, mayroong tatlong EDCF project sa kasalukuyan—ang Samar Pacific Coastal Road Project sa Northern Samar, Panguil Bay Bridge Project sa Northern Mindanao, at ang Integrated Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation Measures in the Low-Lying Areas sa Pampanga, na nasa Central Luzon region.

Sa unang bahagi ng taon ay nakakuha rin ang Pilipinas ng loan sa South Korea para pondohan ang engineering services ng Panay-Guimaras-Negros Island Bridges Project.

Hinihintay ng DPWH ang pag-apruba ng National Economic and Development Authority (NEDA) Board sa mga isinumite nitong proyekto na maaari umanong ilapit sa KEXIM upang mapondohan.

Dumalo rin sa pagpupulong sina UPMO Project Directors Ramon A. Arriola III, Sharif Madsmo H. Hasim, at Benjamin A. Bautista; UPMO Project Manager Teresita V. Bauzon; at KEXIM Deputy Director Yunhak Lee, at Program Officer Ana Labella.