Just In

Calendar

December 2024
M T W T F S S
 1
2345678
9101112131415
16171819202122
23242526272829
3031  
Korean Source: BI

Koreano na wanted sa panloloko timbog ng BI sa Pampanga

Jun I Legaspi Dec 2, 2024
19 Views

NAARESTO ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang wanted na Korean swindler at ang kanyang kasabwat umano sa operasyon sa lalawigan ng Pampanga.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, si Park Chang Suk, 41, at Lee Yunwoo, 39, ay naaresto nitong Nobyembre 12 sa Clark Freeport Zone sa Angeles City ng mga operatiba mula sa fugitive search unit (FSU) ng BI.

Sinabi ni Viado na bitbit ng mga arresting agents ang mission order na kanyang inisyu batay sa hiling ng gobyerno ng Korea upang mahanap si Park na wanted sa kanilang bansa dahil sa malakihang panloloko.

Samantala, sa nasabing operasyon ay naaresto rin si Lee, isang overstaying na Koreano, matapos itong ituro ni Park bilang nagkanlong sa kanya kahit alam nitong ito ay pugante sa batas.

Ayon sa BI Interpol unit, si Park ay subject ng isang blue notice na inisyu ng Seoul Interpol matapos siyang kasuhan ng panloloko sa Suwon district court sa Korea.

Ang nasabing korte ay nag-isyu ng warrant of arrest laban kay Park noong Mayo 10 ng kasalukuyang taon batay sa mga alegasyon na niloko niya ang kanyang mga biktima upang magpahiram ng kabuuang 80 milyong won, o humigit-kumulang US$57,000, bilang umano’y bayad para sa kanyang ari-arian na nasasailalim sa foreclosure.

Samantala, naaresto rin ng mga operatiba ng BI-FSU ang isang babaeng Chinese na wanted sa kasong kidnapping ng mga awtoridad sa kanyang bansa.

Naaresto nitong Nobyembre 14 sa San Antonio Plaza Arcade sa Makati City si Yu Yue, 36, na ipapadeport din dahil sa pagiging wanted fugitive sa China.

Ang warrant of arrest laban kay Yu ay inisyu ng Public Security Bureau sa Jinjiang City, China noong Hunyo 14.

Ang tatlong dayuhan ay kasalukuyang nakadetine sa pasilidad ng BI sa Camp Bagong Diwa, Taguig City habang hinihintay ang deportation proceedings.