Kamuning

Kotse ng photojournalist pinasabog sa harap ng bahay

15 Views

NAGSASAGAWA ng imbestigasyon ang pulisya sa nangyaring pagpapasabog sa kotse ng isang photo journalist habang nakaparada sa harap ng bahay nito sa Quezon City.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga operatiba ng Kamuning Police Station (PS- 10) para matukoy ang mga taong nagtanim ng improvised explosive device sa ilalim ng Toyota Vios na pag-aari ng photojournalist na si Michael Varcas, 39, ng Philippine Star.

Ayon kay PS 10 chief, P/Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz, nangyari ang pagsabog sa kahabaan ng isang kalye sa Barangay Pinyahan bandang 2:35 ng madaling araw noong Miyerkules, Pebrero 18.

Sinabi ni Varcas na bago ang insidente, narinig niya ang isang motorsiklo na dumating sa harap ng kanyang apartment bago ang pagsabog.

“Biglang may sumabog na malakas. Pagtingin ko umaapoy na ‘yung kotse ko,” ayon kay Varcas

Aniya, nakakuha ng fragment ng tila mula sa isang molotov ang mga imbestigador na nagpunta sa pinangyarihan ng pagsabog.

Sinabi ng photojournalist na sa kuha ng CCTV mula sa isang kapitbahay, dalawang tao ang nakitang sakay ng motorsiklo, kung saan isa dito ang naglagay ng pampasabog sa ilalim ng kaliwang bahagi ng kanyang sasakyan.

“Sabi ng mga pulis medyo nahirapan silang makilala dahil hindi makita ‘yung plate number nung riding-in-tandem,” ani Varcas.

Hindi binabalewala ni Varcas ang posibilidad na ang pag-atake ay maaaring konektado sa ilan sa mga larawang kuha niya na umani ng mga reaksyon mula sa mga netizens.

Hinimok niya ang pulisya at iba pang ahensya na panagutin ang mga taong responsable sa insidente.

Nabatid pa kay Varcas na wala umano siyang alam na nakaaway at wala din siyang natatanggap na mga pagbabanta bago ang pagsabog.