Adiong House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong

Krisis di dahilan para ipagpaliban pananagutang konstitusyonal — Chair Adiong

93 Views

MAAARING tumulong ang Kamara de Representantes sa pagtugon sa mga agarang suliranin ng bansa habang ginagampanan pa rin ang tungkuling konstitusyonal nito na dinggin ang mga reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte, ayon sa isang miyembro ng House Committee on Justice.

Tinanggihan niya ang pahayag na ang kasalukuyang krisis sa enerhiya ay dapat maging dahilan upang ipagpaliban ang mga pagdinig.

Ayon kay House Assistant Majority Leader Zia Alonto Adiong, tagapangulo ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, hindi nawawala ang obligasyon ng Kamara na aksyunan ang mga reklamong maayos na inihain at inendorso alinsunod sa Konstitusyon kahit may kinahaharap na mga suliranin ang bansa.

“May mga agarang isyu na kinahaharap ang bansa na mas mabisang matutugunan kung maayos na paghihiwalayin ang paraan ng pag-asikaso sa mga ito,” ani Adiong.

Itinuro niya na ang pambansang pamahalaan ay gumagawa na ng mga hakbang upang tugunan ang epekto ng pandaigdigang krisis na kaugnay ng sigalot na kinasasangkutan ng Estados Unidos, Israel, at Iran, at maaaring isabay ang mga hakbang na ito sa proseso ng impeachment.

“Sa ngayon, nagdeklara na ang Pangulo ng state of energy emergency. Sa katunayan, mayroon nang naitatag na UPLIFT committee na tatalakay kung paano tutugunan ang mga epekto ng pandaigdigang krisis na dulot ng nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos, Israel, at Iran,” paliwanag ni Adiong.

Aniya, walang dahilan upang talikuran o ipagpaliban ng Kamara ang isang mandato ng Konstitusyon dahil lamang sa may hiwalay na krisis na kinakaharap ang bansa.

“At kaya, may mga tamang paraan upang tugunan iyon nang hindi isinusuko o nilalampasan ang konstitusyonal na mandato na ibinigay sa Kamara. Tandaan, ang mga reklamo ay inihain ng mga pribadong mamamayan at inendorso ng ilang miyembro ng Kamara. Kaya kahit may krisis, may ginagawa naman ang pamahalaan,” diin ni Adiong.

Dagdag pa niya, nakapagpatibay na rin ang Kamara ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at ang mas malawak na pasaning pang-ekonomiya na dulot ng inaangkat na petrolyo. Ipinapakita umano nito na kayang tugunan ng Kongreso ang higit sa isang mahalagang isyu nang sabay.

“Sa katunayan, inaprubahan ng House of Representatives ang suspensyon ng excise tax upang maibsan ang epekto hindi lamang sa sektor ng enerhiya kundi pati sa iba pang sektor na umaasa sa inaangkat na petrolyo para makapag-operate at makapagnegosyo—hindi lang sa enerhiya kundi pati sa transportasyon, medisina, at iba pa,” aniya.

“Kaya may mga hakbang talagang ginagawa ang pamahalaan upang tugunan ang isyung ito. Kaya nating gawin—ika nga—ang multi-tasking,” dagdag pa ni Adiong.

Para kay Adiong, ang mahalagang punto ay hindi maaaring gamitin ng mga opisyal ng gobyerno ang krisis bilang dahilan upang balewalain ang mga reklamong obligadong dinggin ng Kamara sa ilalim ng Konstitusyon.

“Pwede naman sabay. Oo, may krisis, pero hindi iyon dapat gawing dahilan upang ipikit ang mga mata sa mga reklamong inihain ng mga pribadong mamamayan at basta na lamang ihinto o ipagpaliban ang konstitusyonal na mandato ng House of Representatives na dinggin ang mga ito,” giit ni Adiong.