Chua Manila Rep. Joel Chua

Kritisismo ni VP Sara kay Pangulong Marcos makakasira lamang sa imahe ng bansa

Mar Rodriguez Aug 10, 2024
129 Views

IPINAGTANGGOL ng kinatawan ng Maynila si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. laban sa mga kritisismo ni Vice President Sara Duterte na makasisira lamang umano sa imahe ng bansa.

“Actually, kaya po ako nagsasalita dahil sa akin pong paniniwala, ito po ay nakakasira po sa imahe ng ating bansa,” ani Manila Rep. Joel Chua sa Saturday News Forum sa Dapo Restaurant sa Quezon City ng tanungin kaugnay ng mga naging pahayag ng Bise Presidente.

Sinabi ni Chua na hindi nito personal na kakilala ang mga Marcos pero ang dapat umanong gawin ng bawat isa ay suportahan ang kasalukuyang administrasyon at tumulong upang masolusyunan ang mga problema para sa kapakanan ng bansa.

“Alam po ninyo, ako po sa totoo lang, wala naman po akong personal na galit kahit kanino sa kanila dahil hindi ko naman po sila parehas kilala eh. Kaya lang bilang parte ng kasalukuyang administrasyon dahil lahat po kami parte eh – whether opposition ka, whether administrasyon ka, parte ka ngayon ng administrasyon. Siyempre lahat po kami, gusto namin maging matagumpay iyong kasalukuyang administrasyon,” sabi ni Chua.

“Kasi pagdating ng panahon, sasabihin mo rin sa iyong mga anak, ‘O noong panahon na iyan, glory days – congressman ako.’ Pero kung… may mga effort naman po to destabilize eh sa tingin ko po, hindi po ‘to makakaganda sa ating imahe dahil ang magiging tingin mo ng mga negosyante eh hindi po stable iyong ating gobyerno,” saad pa nito.

Ayon kay Chua ang walang basehang kritisismo ng Ikalawang Pangulo ay mayroong negatibong epekto sa bansa gaya ng magiging hindi magandang pagtingin ng mga mamumuhunan sa Pilipinas.

“And to think na ang mag-aaway presidente at saka bise presidente, dapat po ang mga nasa gobyerno po nagtutulungan para maiangat ang ating bansa kasi sa totoo lang, ngayon pa lamang po tayo umaahon sa pandemia,” saad pa ng mambabatas.