Lacuna

Kulang ng funds, need mag-ipon, kaya 3 yrs bago natupad ang new school–Mayor Honey

Edd Reyes Jan 21, 2025
13 Views

KULANG sa pondo, kailangan magsinop at ayaw mangutang.

Ito ang katwiran ni Manila Mayor Honey Lacuna kung bakit inabot ng tatlong taon bago niya natupad ang pangako na pagtatayo ng bagong gusali ng Victorino Mapa High School sa Brgy. San Miguel.

“Kailangan po muna nating magsinop at matiyak na meron tayong sapat na pondo sa pagpapatayo ng bagong gusali ng V. Mapa High School.

Ayoko pong mangutang para lang makapagpatayo ng bagong gusali. Gusto ko po, sariling sikap natin.

Bakit? Kasi gusto ko pong mahalin natin. Mahalin nating mabuti ‘yung tatayo po ditong building sa ating paaralan,” paliwanag ng alkalde.

Ayon sa alkalde, kinailangan ng P298.96 milyon para masimulan ang bagong gusali at nagawa niyang makaipon ng sapat na halaga dahil sa pagsisikap na mapanatiling maayos ang pondo ng pamahalaang lungsod.

Sinabi ng alkalde na ang budget sa proyektong pang-edukasyon nanggaling sa Special Education Fund (SEF) ng lungsod para sa 2024 na pinamamahalaan ng Local School Board.

Ang isang porsiyento aniya ng kabuuang nakokolektang bayad sa amilyar ng mga taga-Maynila na umaabot sa P9.08 bilyon napupunta sa SEF batay sa nakasaad sa Local Government Code of 1991.

“Hindi kailangan ng sampung palapag na paaralan para sabihin mong maganda. Ang kailangan lang po natin dito pitong palapag.

Sakto lang po sa 2,767 na mga estudyante. Pasok na pasok po kayo sa ideal class size na 35 na mag-aaral lang sa bawat isang classroom.

Bakit? Kasi 162 classrooms ang meron tayo. At kayang-kaya ring pamunuan ng 129 na teachers. Bagama’t pitong palapag lang kumpletos rekados ang ating magiging paaralan,” sabi ng alkalde.