Suspek

Kulong na, 2 bebot lalo pang makukulong

Edd Reyes Jun 9, 2025
10 Views

MAGKASUNOD na sinilbihan ng Northern Police District (NPD) ng warrant of arrest ang dalawang babae sa Correctional Institution for Women noong Linggo sa Mandaluyong City.

Unang nagtungo ang mga tauhan ni NPD Director P/BGen. Josefino Ligan sa selda ng 69-anyos na lola dakong alas-5:45 ng hapon upang isilbi ang warrant of arrest na inilabas ni Tanauan City, Batangas Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Nevic Cordillo Adolfo ng Branch 53 para sa kasong paglabag sa Migrant Workers and Overseas Filipino Act of 1995.

Nakakulong sa naturang piitan ng mga babae sa F. Martinez Avenue, Mauway, Mandaluyong City ang lolang akusado matapos maaresto dahil sa kasong syndicated illegal recruitment sa ilalim ng RA 8042.

Dakong alas-6:00 ng gabi nang isilbi ng mga operatiba ng NPD sa isa pang nakakulong na babae ang warrant of arrest na inilabas ni Taguig City RTC Presiding Judge Marivic Cudilla Vitor ng Branch 266 dahil sa kasong illegal possession of dangerous drug.

Ang ginang ay nakulong sa naturang pasilidad dahil din sa kinakaharap na kasong paglabag sa RA 9165 (Comprehensive Dangerous Durg Act of 2002).

Sinabi ni BGen. Ligan na gumamit ng body camera at alternatibong recording device sina Lt. Col. Alain Terence Licdan, hepe ng District Special Operations Unit (DSOU), bilang pagsunod sa iniatas ng Korte Suprema.