Atty. Francis ople

Kulturang Woke at Cancel: Ang Tunay na Banta sa Kalayaan at Demokrasya

Francis Ople Mar 19, 2022
724 Views

SA ating mahabang kasaysayan, batid na natin ang karaniwang tunggalian ng estado at ng mga saligang konsepto ng kalayaan at demokrasya. Sa diskursong ito nagmula ang karamihan sa mga batas, alituntunin at pamantayang naglilimita sa kapangyarihan ng estado na panghimasukan ang personal at pribadong pamumuhay ng isang indibidwal. Halimbawa na rito ang ating kasalukuyan at umiiral na 1987 Constitution may nakalaang isang buong artikulo na naglilista at bumabalangkas sa mga karapatang pantao. Kabilang din sa mga konseptong ito ang mga kilalang doktrina ng “Miranda” at “Plain View” na nagsisilbing “rule book” ng mga ahente ng estado at tagapagpatupad ng batas sa kanilang pakikipag-ugnayan sa taumbayan. Ang mga Writ ng Habeas Corpus at Amparo ay ilan din sa laksa-laksang kasangkapan ng batas upang matiyak ang hangganan ng kapangyarihan ng estado.

Marahil ay maliwanang naman sa mga nabanggit na matagal nang nakatuon ang diskurso sa kung papaano bibigyang limitasyon ang nasasaklawan ng estado kaugnay sa personal na kalayaan ng isang indibidwal at sa pangkalahatang kalagayan ng demokrasya. Sadya namang nagbunga ang mahabang pagbibigay-tuon sa estado dahil hindi man malagom at lubusang mabisa, masasabi naman nating naging epektibo ang mga “checks and balances” na ito. Simula noong nagsarili ang Pilipinas bilang isang bansa ay tinamasa naman natin ang kalayaan at demokrasya sa pangkalahatan.

Subalit sa makabagong panahon ngayon, mayroong umuusbong na seryosong panganib hindi lamang sa kalayaan at demokrasya sa ating lipunan ngunit pati na rin sa mismong pundasyon at kaugalian ng pamilyang Pilipino na hindi saklaw ng mga tradisyunal na “checks and balances” na ito. Ang panganib na ito ay hindi nagmumula sa estado o pamahalaan. Hindi rin ito nagmumula sa isang pulitiko o opisyal ng gobyerno. Bagkus, ito ay nag-uugat sa kaunti ngunit sadyang maingay at ma-impluwensiyang sektor ng lipunan. Kilala ang pangkat na ito ngayon sa bansag na “wokes” o “mulat.” Sadyang mapanganib ang paniniwalang umiiral sa pangkat na ito—na maaring tuluyang sumikil sa ating mga kalayaan at sumira sa ating kultura at konsepto ng pamilya. Kung noon ay binigyang pansin natin ang panghihimasok ng estado sa kalayaan at demokrasya at tiniyak na mananatili ito sa itinakdang hangganan, nararapat lamang na buong sigasig din nating bantayan ang kulturang woke na ito dahil higit itong may kakayahang maging mapaniil at marahas kaysa sa anumang pamahalaan.

Bakit nga ba higit na mapanganib sa kalayaan, demokrasya at pamilya ang kulturang ito? Sapagkat ang mga yumayakap sa pananaw na ito ay may baluktot na paniniwalang sila ay mayroong monopolya ng katotohanan, kaalaman at kabutihan. Naniniwala rin sila na sa hanay lamang nila matatagpuan ang mga nagmamahal sa bayan—at lahat ng taliwas sa kanilang mga opinyon ay puspos ng kamangmangan, kasinungalingan at kasamaan. Nanahan sa kanilang kamalayan ang isang ilusyon na ang lahat ay umiinog sa labanan ng kasamaan at kabutihan—at sila ang natatanging sugo ng kabutihan. Samakatuwid, hindi nila tatanggapin ang anumang diskurso at sitwasyon na hindi aayon sa pinanghahawakan nilang “katotohanan” at “kabutihan.” At lahat ng pamamaraan ay gagawin nila upang manaig kahit na hindi iyon ang kagustuhan ng higit na nakararami—kahit ang pamamaraang gagamitin nila ay lantarang kasamaan na rin. Maaatim nilang tanggalan ng kalayaang magpahayag ang mga taong may ibang paniniwala sa pamamagitan ng pag-“cancel” sa kanila. Laganap na ang mga pangyayaring ito kung saan ang ilang indibidwal ay nasususpinde sa kanilang mga social media accounts dahil lamang sa pagpapahayag ng kanilang damdamin at kung saan ang mga negosyo ay kinakampanyang i-boycott dahil rin sa paghayag ng damdaming hindi sang-ayon sa paniniwalang “woke.” Ang ganitong mga gawain ay maliwanag na mga kaso ng “censorship” at “deprivation of the right to property.” Kung ang gobyerno ang gagawa ng mga ito, maski papaano ay mga prosesong itinakda ang batas na dapat pagdaanan bago ito maisakatuparan. Para sa censorship, nariyan ang tinatawag sa batas na three tests (Dangerous Tendency Doctrine, Balancing of Interests Test at Clear and Present Danger Test). Para naman sa pagkuha ng pribadong pag-aari, nariyan ang konsepto ng Police Power, Eminent Domain, Just Compensation at marami pang iba. Para maipasara ng gobyerno ang isang tindahan or restaurant, kailangang may nalabag na batas at kailangang dumaan muna sa masusing proseso. Hitik na hitik sa “protective measures” ang bawat galaw ng estado at ng mga ahente nito ngunit hindi ito ang sitwasyon para sa mga nagsasagawa ng pag- “cancel.” Ang mga nakakansel ay hindi na dumadaan sa prosesong pinagkasunduan—isang pindot lang, suspendido ka na. Isang pindot lang, siniraan ng ang isang negosyo. Ang pinakamasaklap ay walang mekanismo upang maparusahan ang mga gumagawa nito at hindi rin sila binabagabag ng kanilang mga konsensiya sapagkat ayon sa kanila, sila ang may hawak ng pawang katotohanan at lahat ay ginagawa lamang nila sa ngalan ng kabutihan. Sa ngalan din ng kabutihang ito ay naaatim ng ilang kabataan ang bitiwan ang magagandang tradisyunal na kaugaliang Pilipino tulad ng pagpapahalaga sa pamilya at paggalang sa mga nakatatanda.

Tunay na ang kulturang woke at cancel ay ang mga pinakamalaking banta sa ating lipunan ngayon. Mapanganib ang kabalintunaan na bumabalot sa mga kulturang ito. Sapagkat humihiling sila ng katarungan habang hinuhusgahan ang iba nang walang proseso at pag-aatubili. Nangangarap sila ng pagkakapantay-pantay habang minamaliit nila ang mga taong may ibang paninidigan. Sumisigaw sila ng kalayaan habang sinisikil naman ang kalayaan ng iba—at lahat ng ito ay nagagawa nila nang wala anumang pananagutan sa pag-aakalang nakagagawa sila ng kabutihan at kabayanihan. Kaya’t tayong tahimik na nakararami, manatili tayong mapagmatiyag baon ang katagang ito sa wikang Ingles:

“He who has always sought absolute freedom has claimed the uncompromising infallibility—and now he has turned out to be worse than the tyrants he supposedly despised.”