Posas

Kumana sa bahay ng kaibigan ng NAPOLCOM boss nasakote

262 Views

NASAKOTE ng mga operatiba ng Quezon City Police District (QCPD) ang lalaking umano’y nanloob sa bahay ng kaibigan ni National Police Commission (Napolcom) Commissioner Ralph Calinisan noong Linggo at nakakulimbat ng P157,000 na pera at iba pang valuables.

Kinilala ni QCPD Director P/BGen Randy Glenn Silvio ang suspek na si alyas Nelmar, isang umano’y miyembro ng Akyat-Bahay Gang.

Ayon sa ulat ni Masambong Police Station 2 commander P/Lt. Col. Rolando Baula, nangyari ang panloloob alas-2:00 ng madaling araw noong Pebrero 14 sa bahay ng isang sales director sa Cavite St., Brgy. Paltok.

Sinuri ng mga awtoridad ang CCTV matapos magreklamo ang biktima.

Doon nakita ang suspek na nakasuot ng dilaw na hoodie at bull cap habang umaakyat sa bakod ng compound.

Nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng PS-2 na nagresulta sa pagkakaaresto kay alyas Nelmar sa kanyang bahay bandang alas-3:00 ng hapon noong Pebrero 15.

Nasamsam sa suspek ang ninakaw na mountain bike na nagkakahalaga ng P100,000, mga alahas na maya value na P53,000 at humigit-kumulang P4,000.