Galapon Si Guimba, Nueva Ecija Mayor Dr. Jesulito Galapon habang abala sa pag-lagda ng mga dokumento. STEVE A. GOSUICO

Kumuha muna ng permit bago gumawa ng project–mayor

Steve A. Gosuico Oct 14, 2025
400 Views

GUIMBA, Nueva Ecija–Nanawagan si Mayor Jesulito Galapon sa mga kontratista na kumuha muna ng mga kinakailangang construction permit bago isagawa ang kanilang mga proyekto.

Sinabi ng alkalde na nagpadala na siya ng abiso tungkol sa utos niyang ito sa pamamagitan ng opisina ni municipal engineer Rodolfo T. Galupe Jr.

“Pinasulatan ko silang lahat ng contractors ng DPWH ng national government na ire-quire sila kumuha ng building permit dito.

Nakapag-umpisa na sila ng work dito, pero kailangang magbayad sila kung magkano man ang nararapat para sa LGU,” sabi ni Galapon.

Sa opisina ng municipal engineer, nabatid na may apat na kontratista na nakapagsimula na ng construction works ang inisyuhan ng magkahiwalay na notice of illegal construction dahil sa umano’y paglabag sa National Building Code of the Philippines.

Ang mga proyekto ay kinabibilangan ng ng kalsada, tulay, pagkongkreto ng kalsada at bypass road concreting, pagtatayo ng kanal at center island kung saan ang kabuuang total project cost nito ay hindi agad maibigay ni Galupe.

Samantala, pinanindigan ni Galapon na ang kanyang bayan ay walang “multo o substandard” na mga proyekto.”

“Ah, wala tayo nyan kahit pumunta sila dito wala tayong sinasabing ghost o substandard,” sabi ng mayor.