P1m

Kung sino makakapagturo kay Mary Grace Piattos, may P1M

84 Views

NAG-ALOK ng P1 milyong pabuya ang mga lider ng Kamara de Representantes para sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon para mahanap si “Mary Grace Piattos” — isa sa mga tumanggap ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte.

Inanunsyo nina Assistant Majority Leader Jay Khonghun ng Zambales at Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ng La Union ang pabuya sa isang pulong balitaan nitong Lunes, kasabay ng panawagan sa publiko na tumulong upang mahanap si Piattos.

“Kami sa Blue Ribbon Committee at Quad Committee, aming binibigyan ng importansya na kailangan dumating ‘yung mga ipinatawag natin, lalong-lalo na pati ‘yung mga pumirma sa acknowledgment receipts,” ani Khonghun.

“So nagusap-usap kami, boluntaryo, na magbibigay kami ng pabuya na P1 milyon sa kung sinomang makakapagsabi o makakapagbigay ng impormasyon kung sino si Mary Grace Piattos,” dagdag pa niya.

Naging tampulan ng komento ng publiko at katatawanan si Mary Grace Piattos dahil sa tila pinagsama itong pangalan ng kilalang kainan at brand ng sitsirya. Ngunit para sa mga mambabatas ito ay isang seryosong usapin.

Sabi ni Khonghun, si Piattos ang nakatanggap ng pinakamalaking porsiyento sa sinasabing confidential fund na ginastos ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.

“Si Mary Grace Piattos kasi ‘yung may pinakamalaking nakuha doon eh,” ani Khonghun. “We want to set an example, we want to know the truth. Kasi it follows na ‘pag wala si Mary Grace Piattos, sigurado halos lahat ng tao na naandun is fictitious na.”

Sentro ng kontrobersiya ang 158 na acknowledgment receipts na inilakip sa liquidation reports na isinumite ng OVP sa Commission on Audit (COA).

Naniniwala ang mga mambabatas na ang naturang mga resibo ay gawa-gawa lang at minadali para bigyang katwiran ang paggamit sa P125 milyong confidential funds na ginastos sa loob lamang ng 11 araw.

Ikinumpara pa ni Khonghun ang bilis ng liquidation sa pamosong pork barrel scam ng negosyanteng si Janet Lim Napoles.

“Ang pondo ay nagastos ng 11 days, mas mabilis pa,” sabi ni Khonghun. “Sabi nga natin kung si Napoles, 60 days niya nagastos ‘yung pondo, ito 11 days lang.”

Pinuna naman ni Ortega ang mga gawa-gawang pangalan at magkakaparehong sulat kamay sa mga resibo.

“Napakadami na pong imbitasyon lalo sa mga sumusunod sa ating hearings. We’ve been lenient enough na bigay ng imbitasyon, may orders na for the resource person. It’s about time they attend and explain ang mga anomalya na nangyayari,” sabi ni Ortega.

Dagdag pa niya: “Sabi nga ni Congressman Jay, isama mo na rin si Chippy McDonald. Sino pa ba ‘yung mga fictitious na tao na na-mention? Siyempre ang pinakasikat na na-mention si Mary Grace Piattos na patuloy po nating hinahanap para po maipaliwanag ‘yung mga acknowledgment receipt.”

Sinisiyasat ng House Blue Ribbon committee, o House committee on good government and public accountability, kung paano ginastos ang kabuuang P612.5 milyong confidential fund ng OVP at Department of Education (DepEd) noong 2022 at 2023.

Una ng sinabi ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez na ang mga resibo ay “spurious and bogus,” dahil sa mga magkakaparehang sulat kamay, hindi makatotohanang petsa at hindi malinaw na mga detalye.

Kinuwestyon pa nito kung bakit may mga resibo na ang petsa ng paggastos ay Nobyembre 2022 gayong Disyembre 2022 lang nailabas ang pondo.

Sinegundahan ito ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop na pinuna ang mga detalyeng nakapaloob sa resibo kasama na nga ang pangalang Mary Grace Piattos.

Sabi ng mga mambabatas na ang P1 milyong pabuya ay pagbibigay diin sa kahalagahang maresolba ang isyu at mapanagot ang sangkot sa maling paggasata ng pondo ng bayan.

“Kung sino ang makakapagturo para malaman natin kung sino ang makakatukoy ng pagkatao ni Mary Grace Piattos at matutulungan tayo na maiharap siya sa hearing kasi gusto naming malaman kung may katotohanan ba ‘yung katauhan ni Mary Grace Piattos,” wika ni Khonghun.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng komite at desidido ang mga mambabatas na malaman ang katotohanan at maibalik ang tiwala ng publiko sa proseso ng pamahalaan.