kurash Liwanen: Pambato sa kurash.

Kurash, may pag-asa sa SEA Games

Ed Andaya Feb 27, 2022
520 Views

SA kabila ng kakulangan sa pagsasanay dahil sa pandemic, umaasa ang Kurash Sports Federation of the Philippines na magiging muling matagumpay ang kanilang kampanya sa darating na 31st Southeast Asian Games sa Mayo 12-23 sa Hanoi, Vietnam.

Tiwala si KSFP president Rolan Llamas na ang 10-player Filipino delegation, na pangungunahan ni 2019 SEA Games gold medalist Estie Gay Liwanen, ay magpapakitang gilas sa biennial competition, na itinuturing din na “Olympics” ng Southeast Asia.

Naniniwala si Llamas na kayang pantayan — or higitan pa — ng mga atletang Pilipino ang kanilang third place finish na kung saan may one gold, two silvers at five bronzes sila sa 2019 SEA Games sa Manila.

“We’re keeping a positive attitude (in the SEA Games). It will be a tightrope but with the right formula, I think we will be able to bring home the same record,” pahayag ni Llamas sa “Sports On Air” weekly program via Zoom kamakailan.

Bagamat hindi pa inihayag ang kumpletong line-up, sinabi ni Llamas na kabilang ang mga SEA Games medalists na sina Liwanen, Bianca Estrella, Jenielou Mosqueda at Sydney Sy sa mga inaasahang sasabak sa Hanoi.

Si Liwanen ang pinakamalaking star ng team matapos nitong masungkit ang nag-iisang gold medal sa 2019 SEA Games na ginanap sa Laus Group Event Centre sa San Fernando, Pampanga nung Dec. 1-2.

Samantala, nakopo nina Estrella ang silver medal sa women’s -70kg at Mosqueda sa women’s -57kg.

Natangay naman ni Sy ang bronze in the women’s +87kg.

Ang two-time SEA Games judo gold medalist na si Helen Dawa ang nakakuha ng isa pang bronze medal sa women”s -52kg class

Bronze medalists naman sa men’s division sina Llamas, Lloyd Dennis Catipon at Rick Jayson Senales.

“We’re having a face-to-face training at our own expense right now since we haven’t even started with the bubble training setup,” paliwanag pa ni Llamas, na nakapag-uwi na din ng bronze medal sa Asian Indoor and Martial Arts Games sa Ashgabat, Turkmenistan nung 2017.

“But I still hope to make the team ready for the SEA Games despite the difficult situation due to the pandemic “giit ni Llamas.

Tinukoy ni Llamas ang 2019 champion Vietnam, na nagwagi ng seven golds, one silver at two bronzes, at Thailand, na pumangalawa na may two golds, two silves at four bronzes, bilang pinakamahigpit na kalaban ng bansa.

“As host, Vietnam will be very hard to beat, but we will try,”saad ni Llamas bago sinabing ang Thailand at Indonesia ay magpapasikat din ng husto.

Ang kurash, isang sport na katulad ng stand-up wrestling na nagmula sa Central Asia, ay unang naisama sa 2018 Asian Games at 2019 SEA Games.

Umaasa din itong maisasama sa mga darating na OIympics.