Lechon1

La Loma lechon fest ’26 ipagdiriwang sa Mayo 17

Jun I Legaspi May 16, 2026
14 Views

MULING ipinagdiriwang sa Quezon City ang La Loma Lechon Festival 2026 sa Mayo 17 bilang pagkilala sa lutuing Pilipino, pananampalataya, masiglang kultura at pag-unlad ng negosyo.

Kasabay ng kapistahan ng Nuestra Señora de Salvacion de La Loma, ang festival ay nagbibigay-diin sa pagkakakilanlan ng La Loma bilang Lechon Capital of the Philippines.

Sa temang “Pamanang Lasa, Pamanang Pananampalataya,” tampok ang apat na pangunahing haligi ng pagdiriwang — Lasa, Pamana, Likha at Kabuhayan — na sumasalamin sa pagkain, pananampalataya, sining at negosyo ng distrito.

Ilan sa mga tampok na aktibidad ang Lechon Reinvented Cook-Off na magtatampok ng mga putahe mula sa mga kilalang lechoneros ng La Loma; cooking demo ni Chef Tatung Sarthou; makukulay na Lechon Float Parade; at malaking community boodle fight

Kasama rin sa selebrasyon ang Grand Procession ng Nuestra Señora de Salvacion, tradisyunal na larong Pilipino, pagtatanghal ng kulturang-bayan, live entertainment, at lokal na bazaar na tampok ang mga lechoneros at maliliit na negosyo mula sa Quezon City.

Iu-unveil din ni Mayor Joy Belmonte ang La Loma Gastronomic Map, isang inisyatibo na nagtatampok sa mga pangunahing destinasyon pang-kulinarya ng distrito.

“Ang La Loma Lechon Festival ay higit pa sa isang pagdiriwang ng pagkain. Ito ay sumasalamin sa puso ng Quezon City — kung saan nagtatagpo ang kultura, komunidad, pananampalataya, at kabuhayan.

Sa tuwing ipinagdiriwang natin ang La Loma, sinusuportahan din natin ang ating mga lokal na negosyo, tourism workers, artists, at lechoneros na patuloy na nagpapanatili ng tradisyong ito para sa susunod na henerasyon,” ayon sa mayor.

Magwawakas ang festival sa fireworks display bilang huling tampok ng isang buong araw ng tradisyon, lasa, at masayang pagdiriwang ng komunidad.