Calendar
Lab experiment sumabog, 6 SHS students muntik madedo
ANIM na senior high school students ng Globetek Science Foundation Inc. sa Makati ang muntik masunog ng buhay makaraang sumabog at magliyab ang chemical na kanilang ginagamit habang nagte-test sa laboratory noong Miyerkules.
Isa sa mga biktima ang nasa Intensive Care Unit (ICU) pa sa Makati Medical Center, dalawa ang pinauwi na at nilapatan pa ng lunas ang tatlo, ayon sa report.
Naganap ang pagsabog alas-5:20 ng hapon sa laboratory ng Globetek Science Foundation Inc. sa Saint Paul St., Brgy. San Antonio habang nasa kalagitnaan ng laboratory test ang mga estudyante gamit ang 95% ethanol alcohol upang hindi ma-kontamina ang DNA Plasmid ng bacteria at iba pang maliliit na organismo.
Sa pahayag sa pulisya ni Jalil Venice Tubog, 26, Molecular Biologist, biglang sumabog at naglagablab mula sa kalapit na lampara matapos madilaan ng usok na nagmumula sa pagkuha ng ethanol sa botelya gamit ang isang pipette.
Bunga ng pagsabog, nagtamo ng 1st degree burn sa mukha at 2nd degree burn sa tiyan ang 17-anyos na lalaking estudyante na kasalukuyan pang nasa ICU, habang nagtamo ng burns sa kamay at braso ang 18-anyos na si alyas Janelle.
Dalawa pang babaeng estudyante na 17-anyos ang nagtamo rin ng sunog sa kamay, braso at paa.
Sinabi nina P/SSG Claro Fornis at P/SMS Jun Alimurong na nagsumite na ng affidavit ang mga magulang ng mga nasugatang estudyante na nagpapahayag na hindi na sila interesadong magpasailalim pa sa imbestigasyon dahil wala namang foul play at aksidente ang nangyaring pagsabog.
Gayunman, nagsisiyasat pa rin ang mga tauhan ng Makati Bureau of Fire Protection sa pangunguna ni SFO1 Roel Pacubat matapos hindi na papasukin ng security guard ang pulisya sa Globetek sa utos umano ng kanilang general manager.