Liza1

Lab For All Program ni First Lady Liza Marcos, dinala sa Pasay

Edd Reyes Nov 21, 2024
71 Views

DINALA ng Unang Ginang Louise “Liza” Araneta Marcos ang kanyang proyektong “Lab For All: Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat” Huwebes ng umaga sa Pasay City.

Aabot sa mahigit 6,000 Pasayeños na dumagsa sa programang Lab For All sa Pasay City Astrodome ang pinagkalooban ng libreng serbisyong medikal na layuning matiyak na bawa’t mamamayan ay mapagkakalooban ng de kalidad na pangangalaga sa kanilang kalusugan na nakasaad sa ilalim ng R.A. No. 11223 o ang Universal Health Care Act.

Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, na siyang nagsumikap na madala sa Pasay City ang Lab For All na inilunsad ng Unang Ginang noon pang nakaraang taon, ay isa lamang sa pinatutupad na pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na magkaroon at mapakinabangan ng lahat ng Pilipino ang wasto at libreng pangangalaga sa kanilang kalusugan.

Saklaw ng Lab For All caravan ang komprehensibo at libreng mga serbisyong medikal tulad ng pagsusuri sa dugo upang alamin kung may sintomas na ng anumang uri ng sakit ang pasyente, pagsusuri sa ihi, libreng konsulta na ipagkakaloob ng mga dalubhasang doktor sa mga bata at matatanda, mga buntis, at libreng pamamahagi ng gamot na angkop sa kanilang karamdaman.

May dental checkups at libre ring bunot ng ngiping ipinagkakaloob ang Lab For All caravan at maging mga minor surgeries sa mga pasyenteng nangangailangan nito.

Sinabi ni Mayor Emi na isa ang Lab For All Program ang tunay na tumutukoy sa pangangailangan ng kanilang mga mamamayan kaya’t sinikap niyang madala ito sa kanilang lungsod.

“I am extending my deepest gratitude to President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. and First Lady Marcos for bringing the Lab For All project to our community. This initiative will drastically improve access to healthcare for our residents, especially the most vulnerable. These initiatives will build a healthier and more vibrant Pasay,” pahayag ni Mayor Emi.

Bukod kay Unang Ginang Liza Araneta Marcos, dumalo rin sa makasaysayang kaganapan sa Pasay sina Health Secretary Teodoro Herbosa, DILG Secretary Juanito Victor Remulla, PAO Office Chief Persida Rueda-Acosta, Go Negosyo Executive Director Thermina Akram, Congressman Tony G. Calixto, at mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod.