Martin1

“Lab for All” project nagbibigay ng libreng health services sa mga mahihirap— Speaker Romualdez

Mar Rodriguez Jul 5, 2024
114 Views

PINURI ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta Marcos sa kanilang paglulungsad ng “Lab for All” project sa Tacloban City na naglalayong mabigyan ng libreng health services ang mga mahihirap nitong kababayan.

Ginawa ni Speaker Romualdez ang pahayag sa isinagawang “Lab for All” caravan sa Tacloban City, na pinanginahan ng Unang Ginang, na kanyang pinasalamatan ng lubos sa pagbisita sa lungsod at paghahatid ng serbisyong medikal sa kanyang mga kababayan.

Tumulong din sina First Lady Liza, Speaker Romualdez at iba pang opisyal kasama si Rep. Yedda Marie Romualdez ng Tingog Party-list, sa pamamahagi ng P4.2 milyong financial assistance sa ilalim ng TUPAD program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa Leyte Normal University.

Matapos ang dalawang event sa Tacloban City, sinamahan ni Speaker Romualdez si Pangulong Marcos sa Leyte Convention Complex sa Palo, Leyte kung saan ito ay namigay ng tig-P10,000 cash assistance sa mga kuwalipikadong residente ng Leyte, Southern Leyte, at Biliran na ang kabuhayan ay lubhang naapektuhan ng El Nino phenomenon sa pamamagitan ng Presidential Assistance to Farmers, Fisherfolks and Families (PAFF) program.

“Ang Lab for All caravan ay isang mahalagang inisyatiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng ating masipag na First Lady. Layunin ng proyektong ito na maghatid ng libreng konsultasyon, X-ray, laboratory tests, at gamot sa mga komunidad na nangangailangan,” sabi ng lider ng Kamara na mayroong mahigit 300 kinatawan.

“Ang proyekto pong ito ay may malalim na epekto at kahalagahan para sa ating mga kababayang Pilipino. Marami sa ating mga kababayan, lalo na sa mga malalayong lugar, ang walang sapat na access sa mga serbisyong medikal. Dahil dito, madalas na napapabayaan ang kanilang kalusugan,” saad pa nito.

Ang LAB ay nangangahulugang Laboratoryo, Konsulta at Gamot Para sa Lahat na dinala na rin ng Unang Ginang sa iba’t ibang probinsya.

Sa pamamagitan ng proyektong ito, sinabi ni Speaker Romualdez na nabibigyan ng libreng konsultasyon, gamot, at laboratory test ang mga mahihirap na residente.

“Para sa mga ordinaryong Pilipino, ang “Lab for All” caravan ay isang malaking tulong. Ito ay nagdadala ng serbisyong medikal direkta sa kanilang mga komunidad. Nagliligtas ito sa kanila mula sa pagod, gastos, at hirap ng pagpunta sa mga malalayong ospital,” wika pa ng lider ng Kamara.

“Lubos naming pinapahalagahan ang dedikasyon at sakripisyo ng ating First Lady at ng buong team na bumubuo ng Lab for All caravan. Sa pamamagitan ng kanilang pagsusumikap, nabibigyan ng pagkakataon ang ating mga kababayan, lalo na ang mga senior citizens, na makakuha ng serbisyong medikal na libre at abot-kaya,” sabi pa niya.

Hinimok ni Speaker Romualdez ang kanyang mga constituent sa Tacloban City at iba pang bahagi ng Leyte na samantalahin ang proyektong ito ng Unang Ginang.

“Mahal naming First Lady, tunay ngang nakakataba ng puso ang inyong malasakit at pagsusumikap na magbigay ng mas maayos na kalusugan sa ating mga kababayan,” sabi pa nito.

Muling nagpasalamat si Speaker Romualdez sa may-bahay ng Pangulo said kanyang proyekto.

“Muli, maraming salamat sa inyong lahat, at lalong-lalo na sa ating First Lady Liza Araneta-Marcos, sa inyong walang-sawang suporta sa ating mga kababayan,” dagdag pa nito.

Umabot sa kabuuang 1,026 manggagawa ang nakatanggap ng tig-P4,050 financial assistance sa ilalim ng TUPAD.

Dumalo rin sa pamamahagi ng ayuda sa Tacloban City sina Tingog Rep. Jude Acidre, Mayor Alfred Romualdez at Dax Villaruel, regional director ng Department of Labor and Employment.