Calendar

Laban vs Ilegal flights sa PH pinalakas ng CAAP, FAA
PINALAKAS ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) at US Federal Aviation Administration (FAA) ang kooperasyon upang labanan ang ilegal na charter flights sa bansa.
Sa virtual briefing, tinalakay ng dalawang ahensya ang mga panganib at epekto ng mga hindi awtorisadong operasyon sa aviation industry.
Dinaluhan ng 121 na kinatawan mula sa iba’t-ibang paliparan at tanggapan ng CAAP ang sesyon, kasama ang mga opisyal mula sa National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), Bureau of Customs (BOC), Office for Transportation Security (OTS) at Philippine National Police Aviation Security Group.
Binigyang-diin sa talakayan na nagdudulot ng seryosong banta sa kaligtasan ng mga pasahero ang mga ilegal na charter flight dahil sa kawalan ng tamang awtorisasyon at regulasyon.
Sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa FAA, layunin ng CAAP na palakasin ang kamalayan sa usaping ito at tiyakin ang pagsunod sa mga umiiral na regulasyon.
“Ang pakikipag-ugnayan natin sa FAA patunay ng ating matibay na pangako na mapanatili ang kaligtasan at legalidad ng mga operasyon ng air transport sa Pilipinas.
Sa pamamagitan ng pagbibigay ng sapat na kaalaman at pagsasanay sa ating mga aviation at law enforcement personnel, mas mapapalakas natin ang kakayahan nating pigilan ang mga ilegal na charter activities,” ayon kay CAAP Director General Raul del Rosario.
Isinusulong ng CAAP ang mahigpit na pagpapatupad ng mga regulasyon at pagpapalaganap ng kaalaman upang maprotektahan ang mga pasahero at mapanatili ang integridad ng aviation sector sa bansa.
Inaasahan din ang mas maraming pagsasanay at pakikipag-ugnayan sa mga internasyonal na katuwang bilang bahagi ng nagpapatuloy na inisyatiba laban sa ilegal na operasyon sa himpapawid.